Noong Enero 4, umuwi ang kasambahay na si Lenie matapos sapilitang bumaba noong Disyembre sa bahay ng amo na ang gusto ay magpatuloy siya sa paglilingkod kahit nakatapos na siya ng dalawang-taong kontrata at suko na sa masamang trato sa kanya.
Taliwas sa karaniwang karanasan ng mga dayuhang kasambahay dito, nakakuha ng bagong amo at nakapag-proseso ng bagong kontrata si Lenie nang hindi dumaan sa isang ahensiya. Dahil doon ay nakatipid ng malaki ang dalaga.
Noong Nob 26 pa nakumpleto ni Lenie ang kontrata niya sa unang among Intsik, matapos tiisin ang matulog sa kusina, walang hintong pagtatrabaho mula ika-6 ng umaga hanggang ika-11 ng gabi, kalahating araw na day off sa isang linggo, pagkain ng kakaunti at tira-tira, at madalas na pag-alipusta ng among babae.
Kahit nagpaalam na ay hindi siya pinayagang makaalis nang maaga, bagkus ay ikinuha siya ng amo ng isang buwang visa extension sa pag-aaakalang makukumbinsi pa ang Pilipina na muling pumirma ng kontrata.
Palaban si Lenie, at noong Dis 10 ay nagpasiya siyang bumaba ng bahay sa katwirang tapos na ang kanyang kontrata kaya malaya na siyang makakaalis. Nagmatigas din ang amo at nagbantang gagawan siya ng kaso.
Ngunit kumampi kay Lenie ang may-ari ng ahensiya at dinala ang Pinay sa shelter nito.
Kaya pala, ang ahensiyang nag-deploy kay Lenie dito sa Hong Kong ay walang pahintulot mula sa ating Konsulado na mangalap ng mga manggagawang Pilipino, at nagpatatak lamang ng kontrata sa ibang ahensiya. Agad-agad nitong sinalo si Lenie upang hindi mabisto ang katiwaliang iyon. Ang ahensiya na rin ang kumumbinsi sa amo na dapat ibigay sa katulong ang karampatang bayad sa kanya.
Para kay Lenie, hindi biro ang gagastahin kapag mag-ahensiya siya sa paghahanap ng amo, kaya siya mismo ang naghanap sa internet at nakakuha naman siya di katagalan.
Siya lang mag-isa ang naglakad ng mga dokumento sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno ng Hong Kong at Konsulado. Naayos niya ang lahat hanggang sa nakuha niya ang kanyang working visa sa Immigration noong Enero 3.
Sa sariling lakad, naiwasan ni Lenie ang magbayad ng $2,000 hanggang $8,000 sa mga ahensiya rito na walang takot na sumisingil ng mahigit sa 10% ng unang buwanang sahod ng isang katulong, na siyang legal na singil. Sa karaniwang sahod na $4,300 isang buwan, dapat ay hindi lalampas sa $430 ang maari lang singilin sa isang kasambahay.
Sa kabilang dako, isang kaibigan ni Lenie ang nagpahanap ng bagong amo sa isang ahensiya sa Central. Siya ay sinisingil ng $8,000, na kakaltasin sa kanyang buwanang sahod sa halagang $2,000 bawat buwan.
Ipinakikita ng ehemplo ni Lenie na para sa mga katulong na nakatapos ng kontrata, makakakuha sila ng bagong amo at makakapagproseso ng mga dokumento nang hindi kailangang dumaan sa isang ahensiya.
Ang dahilan ng gobyerno ng Pilipinas na idaan sa mga ahensiya ang pagkuha ng amo sa ibang bansa ay para maprotektahan ang kapakanan ng manggagawa. Ngunit taliwas dito ang nangyayari. Ang mga ahensiya mismo ang kadalasang pumipiga sa manggagawa at nakikipagsabwatan sa amo upang gipitin siya.
Halos lahat ng mga bagong-dating ay nagsasabing siningil sila ng mga ahensiya dito nang higit na malaki kaysa sa 10% itinatadhana ng batas ng Hong Kong, at pinalalabas ng mga ahensiya na ang sinisingil nila ay mga personal na utang ng mga katulong.
Ito ang dahilan kung bakit maraming katulong ang nababaon sa utang kahit bagong-dating lang. Pagdating dito ay dinadala na sila sa bahay-utangan upang pumirma sa kasunduan sa pautang na hindi naman sa kanila napupunta kundi sa mga ahensiya.
At upang matiyak na magbabayad ang katulong ay hahawakan ng ahensiya ang kanilang pasaporte, kahit ang gawaing ito ay ibinabawal din ng gobyerno.
Samakatwid, kung finished contract na ang isang katulong, maari na niyang lakarin mag-isa ang kanyang mga dokumento dahil sa paraang ito ay makakaiwas siya sa di makatwiran at ilegal na singil ng mga gahamang ahensiya.