Mga seafood restaurant ang nangungunang dahilan kung bakit dinarayo ag Lamma. |
Ni Marites Palma
Gusto mo bang maranasan ang buhay sa isang tradisyunal na nayon ng mga mangingisda, o matikman ang mga tanyag na lutong Cantonese ng mga isda at iba pang lamang-dagat?
Sumakay sa Hong Kong Kowloon Ferry sa Pier 4 sa Central patungong Yung Shue Wan, o sa iba pang pribadong shuttle ferry sa Pier 9 at magtungo sa Lamma Island.
Sa kalahating oras na biyahe sa ferry, ikaw ay malilipat mula sa ingay at kislap ng isa sa pinakamodernong lungsod sa mundo papunta sa isa sa mga pinakalumang baryo ng Hong Kong na tila sadyang iniwasan ng pagbabago.
Doon tikman mo ang iyong paboritong putahe ng pagkaing-dagat, sa magkabilang hilera ng mga tanyag na restaurant, at namnamin ang tahimik at di nagmamadaling pamumuhay na hindi mo makikita sa lungsod.
May kakaibang pang-akit ang Lamma sa mga turista. Maliban sa pagiging daungan ng mga mangingisda, mayroon itong nakatagong mga hiyas pangkultura at pangkasaysayan.
Malaon nang may mga nakatira sa Lamma. Tinatayang noong Bronze Age pa lamang ay mayroon nang mga bangkang pamalakaya na lumulunsad sa karagatan mula sa tahimik na dalampasigan ng isla.
Maipagmamalaki rin ng Lamma ang mga makasaysayang pook sa pulo na nakasama sa talaan ng mga historical site ng Hong Kong. Kabilang sa mga atraksiyong ito ang mga templo, mga lumang bahay sa nayon na nahaluan ng mga makabagong tirahan.
Ang tradisyunal na industriya ng lamang-dagat at handicraft ay nakikita sa maliliit na tindahang ng mga pinatuyong pagkaing-dagat at, gayundin, mga makabagong paninda.
Dahil ang Lamma ay ilang dantaon nang isang pamayanang nabubuhay sa pangingisda, tabi-tabi sa isla ang mga seafood restaurant na nagbebenta na rin ng mga buhay at sariwang mga lamang-dagat pinaluluto ng mga kakain sa estilong Cantonese.
Matatagpuan ang maraming seafood restaurants sa magkabilang daungan sa isla – ang Yung Shue Wan at Sok Kwu Wan. Kung seafood ang dahilan ng pagpunta mo sa isla, ang Sok Kwu Wan ang makakapagbigay sa iyo ng lahat ng hanap mo.
Ang templo sa pinaka-plaza ang unang tatambad paglabas ng lugar ng mga kainan. |
Pero kung ang gusto mo ay yaong may maraming pagpipilian ng putahe at mas marami kang panahong manatili sa isla, ang Yung Shue Wan ang nababagay sa iyo.
Bukod sa masasarap na luto ng pagkaing-dagat, marami pang atraksyon ang dinarayo sa Lamma – ang mapuno, maayos at malinis na kanayunan nito, ang magubat at mabatong kabundukang nagbibigay ng likas na ganda sa isla, at ang mapayapang dalampasigan.
Isa sa mga atraksiyon sa isla ay ang Hung Shing Yeh Beach. Pinamamahalaan ng gobyerno ng Hong Kong ang nasabing beach kaya may mga nakatalagang lifeguard sa tag-araw, may mga kubeta, bihisan, at lambat laban sa mga pating, at puting buhangin.
Makikita rin sa isla ang tatlong “Kamikaze Cave”, mga labi ng isang malungkot at nakakalimutang bahagi ng kasaysayan ng Hong Kong nang sinakop ito ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa mga nasabing yungib na inuka umano ng sundalong Hapon mga mananakop sa ilalim ng bundok itinago ng mga Hapon ang mga speedboat na ginamit nila sa mga suicide attack sa mga bapor ng US. Ang unang yungib, na tinawag ding “Kamikaze Grotto” ay may layong limang minuto ng paglalakad mula sa Sok Kwu Wan ferry pier.
Tradisyunal na pangingisda naman ang makikita sa Lamma Fisherfolk Village. Ito ang “living history at heritage discovery center” na pinamumunuan ng mga retiradong mangingisda. Layunin nitong mapanatili ang natural na estilo ng pangingisda at pamumuhay ng mga mangingisda. May bayad na $80 para sa may edad na at $60 para sa bata, kasama na ang bayad sa bangkang maghahatid sa village mula sa pier.
Makikita rin sa Lamma ang isang electric wind turbine na tulad ng mga nasa Ilocos Norte. Bukas ito para sa sinumang nagnanais makasilay at makaranas na tumayo nang ilang metro ang layo mula umiikot na turbine.
Ang electric wind turbine ay bukas mula ika-7 ng umaga hanggang ika-6 ng hapon araw-araw at maaaring lakarin mula sa Yung Shue Wan sa tagal na 40 minuto. Sulit na sulit and paglalakad dahil sa ganda ng tanawin.
Karamihan sa mga nagagawi sa isla ng Lamma ay naglalakad mula sa ferry pier patungo sa Lingkok Shan Hiking Trail. Makikita ang opisyal na signpost sa hiking path na iikot sa magagandang bahagi ng isla paakyat sa bundok at pababa sa Sok Kwu Wan. Ang pagtahak sa landas ay umaabot ng dalawa o tatlong oras.
Ang Lamma Island Family Trail ay dinisenyo para sa mga ayaw umakyat nang paikot dahil ang rutang ito ay mula sa Sok Kwu Wan papuntang Yung Shue Wan. May mga hilltop pavilion sa daan na puwedeng pahingahan at maaari ring magpiknik.
Matatagpuan din sa Yung Shue Wan playground ang Tin Hau Temple, ang pinakaluma at pinakamahalagang templo ng diyosang patron ng mga mangingisda sa mga Taoist. Ito ay inayos noong 1876 at pinaniniwalaang pinakaluma sa lahat ng mga templo sa Lamma.
Mula noong dekada 1960 ay napapanatili ang pinakabagong Stone Lions na may kakaibang estilo. Dito nakalagak ang pinakamahabang isda sa mundo, ang giant oar fish (Regalecus glesne) na may habang 2.7 metro na nahuli noong 2001 ng isang mangingisda sa dagat ng Lamma.
Ang pinakamataong lansangan sa Lamma ay ang Yung Shue Wan Main Street, kung saan may iba’t ibang mga kainan may lutong Tsina, Europa, Gitnang Silangan at iba pang mga putaheng nagmula sa lahat ng bahagi ng Asia.
Mayroon ding arkilahan ng bisikleta at bike trial para sa mga malalakas ang loob - at katawan - na gustong tuklasin at ikutin ang buong isla.