Kasalukuyang nagpapa-hinga sa Pilipinas si Kezha Lopez matapos ang maselang operasyon na isinagawa sa kanya. Una itong isinagawa noong Dis 7, at inabot ang operasyon ng walong oras. Ang pangalawa ay isinagawa noong Dis 15 na umabot naman sa apat na oras.
Ayon kay Lopez, may “bone tumor osteoma” siya sa kaliwang panga kaya nag lockjaw siya. Malaki na daw kasi yung tumor nang madiskubre.
Sinabi daw ng mga doktor na “stress” ang pinaka-ugat ng kanyang kakaibang kundisyon.
Una siyang kumunsulta sa Iloilo Doctors Hospital dahil sa paninigas ng kanyang panga.
Isinailalim siya sa CT scan ngunit hindi naging malinaw ang resulta kaya nagpatingin siyang muli sa Pamela Youde Nethersole Hospital sa Chaiwan, at doon nakita yung tumor sa kanyang panga na kasing laki na ng itlog ng pugo sa laki.
Una siyang ni-refer sa Prince Philip Hospital sa Sai Ying Pun bago dinala sa Queen Mary kung saan agad siyang isinailalim sa biopsy noong Agosto 11. Nang lumala ang kanyang kundisyon dahil nag lockjaw na siya ay sumailalim siya sa operasyon. Nilagyan ng titanium plates yung panga niya para maibuka niya ang bibig niya.
Matapos ang operasyon ay nilagnat siya dahil sa impeksiyon mula sa dugong namuo sa kanyang leeg dahil hindi lahat natanggal, kaya kinailangang operahan ulit noong Dis 15. Nilagyan siya ng tubo sa leeg para matanggal ang impeksiyon sa kanyang leeg.
Pinasaya naman si Lopez sa ospital ng mga kababayan na dumalaw sa kanya, bago siya nagdesisyong umuwi para makapagpahinga.
Sa isang mensahe na ipinadala niya sa The SUN, sinabi ni Lopez na hirap pa rin siyang magsalita nguni’t maayos na ang kanyang kalagayan.
Nakatakda siyang bumalik sa kanyang mga amo sa Hong Kong na siyam na taon na niyang pinagsisilbihan ngayong Enero 23. – may ulat ni Merly Bunda