Sa simula pa lang, ipinahayag na namin ang aming opinyon tungkol sa OEC, o overseas employment certificate:
• na hindi ito kailangan dahil may dokumento na nasa kamay na ng mga OFW bilang patunay na nagtatrabaho sila sa ibang bansa, gaya ng kanilang employment visa.
• na isa itong dagdag lang na trabaho para sa empleyado ng gubyerno.
• na, pagkatapos mong pumila ng maghapon upang mag fill-up ng application form paras sa OEC, ay hindi rin naman binibigyan ng halaga ng gubyerno ang impormasyon na ibinigay mo. Sa halip, tambak-tambak na application form ang iniimbak at itinatapon kalaunan. Isang palatandaan na hindi naman ipinapasok sa database at impormasyon ay wala silang rekord ng luma mong OEC.
• na, kahit munti ang halaga nito, ang OEC ay dagdag na pasananin para sa mga OFW.
Pero hindi rin natin maipag-walang bahala na hahanapin ito sa airport sa Pilipinas kapag pabalik ka na sa iyong trabaho. Wala tayong lusot, ika nga.
Kamakailan, may nakaisip ng Balik-Manggagawa o BMOnline. Ito ay ang pagpaparehistro ng mga OFW sa pamamagitan ng internet, gamit ang computer o mobile phone. Kahit exempted sa OEC a ng mga babalik sa kanilang trabaho, kailangan pa rin silang magrehistro, na minsanan lang.
Sa pagpasok ng OFW ng kani-kanilang impormasyon sa database, na rerepasuhin ng POLO para siguradong tama, unti-unting nabubuo ang database ng mga OFW, na maraming maitutulong upang mapabuti ang proteksiyon nila laban sa pang-aabuso.
Pero bakit maraming nagrereklamo dito? Dagdag daw na pahirap daw, hindi raw nila alam gawin, kahit mas madali pa ito kesa sa pag-post nila ng kanilang komento sa Facebook. Dahil sa pagpili nila na maging ignorante, may may naniningil ng HK$100 upang gawin ang akala nila’y hindi nila kaya, sa loob ng ilang minuto lang. Ito, ika nga, ang “cost of ignorance”.
Sana ay bukas tayong matuto kung kinakailangan, upang hindi ito mahuli sa pag-unlad. Kung gusto mong matutunan ang BMOnline, may ginawang video ang The SUN tungkol dito. Ito ay makikita Dito: http://www. sunwebhk.com/2016/12/aabutan-ka-na-ba-ng-pasko-na-wala-pang.html.