Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Siniraan pala siya ng kasamahan sa amo

19 December 2016

Nagpaalam si Jona sa kanyang mayamang amo na uuwi na siya sa Pilipinas para makasama ang pamilya dahil walong taon na rin siyang naninilbihan. Naniwala ang amo at nangakong babayaran siya ng para sa long service.

Ang siste, wala naman talagang balak na umuwi si Jona dahil may nakuha na siyang lilipatang amo. Dahil sa pangako ng dating amo ay tuwang-tuwa siya habang inaayos ang mga papeles para sa kanyang lilipatang amo.

Hindi ito nalingid sa kasamahan niyang Pilipina, at isinumbong siya nito sa kanilang amo.

Sumama ang loob ng amo sa ginawang pagsisinungaling ni Jona, at sinabi na binabawi na nito pangakong magbabayad para sa long service. Hindi na nagawang magtanong ni Jona kung bakit, dahil alam na niya na isinumbong siya ng kasamahan na akala mo ay kung sinong banal dahil laging may hawak na Bibliya.

Ganoon man ang sinabi ng amo ay nagpatuloy sa pagiging mabuting kasambahay si Jona sa mga natitirang araw na paninilbihan niya. Nanatili siyang mabait at masipag.

Sa araw nang pagbaba niya mula sa bahay ng amo ay ganoon na lang ang gulat niya nang abutan siya ng amo ng sobre na may lamang $30,000, kasama ang huling buwan niyang sahod.

Napayakap siya sa amo sa tuwa, dahil hindi niya inaasahan ang ipinakita nitong pang-unawa. Nilisan niya ang among pinagsililbihan niya ng walong taon na masaya. Sa isang banda, malungkot din siya dahil kaya lang siya nagdesisyong lumipat ng amo ay dahil ayaw na niyang makasama sa iisang bubong ang kapwa kasambahay na ubod ng sipsip at kaplastikan.

Sa ngayon ay nakabakasyon si Jona sa Pilipinas, at doon na iseselebra ang Pasko, kasama ang kanyang pinakamamahal na pamilya. Babalik siya sa Hong Kong pagkatapos ng bagong taon. Si Jona ay ay 42 taong gulang, may asawa at anak na tubong Tacloban. – Marites Palma


Don't Miss