Sa kasamaang palad ay nagdesisyon ang mga amo niyang ito na umuwi na sa kanilang bansa, kaya napilitan siyang maghanap ng ibang pagsisilbihan.
Akala niya sa umpisa ay mas maayos ang lilipatan niya, kasi ay lahing puti din ang mga ito, at maganda ang trabaho. Kaya lang ay naghahanap ng malilipatang bahay ang mga ito noong pirmahan siya, kaya hindi niya nakita ang susunod niyang titirhan.
Umuwi muna siya sa Pilipinas bago siya nag-umpisang manilbihan sa kanila, at pagbalik niya ay ganoon na lang ang panlulumo niya dahil ang kuwarto niya ay napakaliit. Ang cabinet na lalagyan niya ng gamit ay nasa ibaba ng kama niya, kaya kailangan pa niyang umakyat para makahiga.
Tapos ang labahan nila ay nasa rooftop na ang hagdan papanhik ay napakakitid kaya hirap na hirap siyang magpanhik-baba dala ang labahin.
Matipid din sa pagkain ang mga bagong amo kaya hindi na siya makapagluto nang bongga.
Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin siya dahil above minimum naman ang sahod niya, at hindi abusado ang mga amo. Alang-alang sa pamilya niyang sinusuportahan e handa naman siyang mag-adjust sa bago niyang mundo. Sabi nga niya, sanayan lang naman talaga ang buhay sa Hong Kong.
Si Peng ay taga Cavite at may dalawang anak, at kasalukuyang naninirahan sa Pokfulam. - DCLM