Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pilipinang taga Isabela, nasawi matapos ma food poisoning

07 December 2016

Nakatakdang iuwi ang mga labi ni
Miguella sa Pilipinassa Dec 12
Ni Marites Palma

Isang Pilipina na taga Isabela ang napabalitang namatay, isang linggo matapos kumain kasama ng mga amo sa isang tanyag na restaurant sa Tsim Sha Tsui, ang Dan Ryan’s Chicago Grill.

Kinilala siya bilang si Miguella Secolles, 42 taong gulang, asawa ng isang sundalo at may apat na anak. Nakatira sila sa Greenland Subdivision, Plaridel  Santiago City, Isabela.

Ayon sa mga balita, natagpuan ng kanyang amo na malamig nang bangkay si Miguella sa kanyang higaan noong Disyembre 1, dalawang araw matapos siyang ilabas sa ospital dahil sa food poisoning.

Isinugod siya sa Queen Mary Hospital dahil sa matinding pagsusuka noong Nob. 28, apat na araw matapos siyang kumain ng pabo sa restaurant kasama ang among lalaki at mga alaga, para ipagdiwang ang Thanksgiving Day. Inilabas siya kinabukasan din.

Hindi agad matiyak kung may kinalaman ang kanyang biglaang pagkamatay sa naging karamdaman niya.

Limang buwan pa lang naninilbihan si Miguella sa mga amo sa Aberdeen nang siya ay pumanaw.
Ayon sa balita sa mga pahayagan, umabot sa 50 katao ang na food poisoning sa araw ding iyon matapos kumain sa Dan Ryan’s. Walo sa kanila ang itinakbo sa ospital, kabilang si Miguella.

Inamin ng pamunuan ng restaurant na nagmula ang mikrobyo sa inangkat nilang mga pabo para sa espesyal na okasyon. Nangako din sila na sasagutin ang pagpapa-ospital sa mga nalason nang dahil sa kanilang pagkain.

Ayon naman sa hipag ni Miguella na si Merlinda Sarmiento, may isinagawa daw na post mortem sa labi ng nasawi, ngunit malalaman lang ang resulta matapos ang ilang buwan. Dating magkasama sina Miguella at Merlinda sa iisang amo.

Kasalukuyang nakalagak ang mga labi ni Miguella sa Kennedy Town Mortuary, at nakatakdang iuwi sa Maynila sa Dis. 12, kung saan ito sasalubungin ng kanyang asawa, bago dalhin sa kanilang bayan sa Isabela.


Don't Miss