Sa panahon ngayon ng maraming seminar tungkol “financial literacy” at “financial education”, iisipin natin na mas magiging maingat na ang lahat ng OFW sa Hong Kong pagdating sa paghawak ng pera. Pero mayroon pa rin mangilan-ngilan sa atin na nasasadlak sa pagkakautang na sa simula pa lang ay naiwasan na sana.
Gaya na lang ng dalawang nakausap namin, na dumulog sa Mission for Migrant Workers upang magpatulong. Ang paglalahad nila ng kanilang kuwento ay nagbigay sa amin ng kalaman sa paraan ng mga linta, kabilang ang ilan nating kapwa Pilipino, na sumisipsip ng ating pinagpawisan sa pamamagitan ng malaking interes sa pautang. At ang patuloy na pagsasamantala nila sa ugali nating mga Pilipino na tuparin ang ating mga pangako, kahit tayo ay nasasakal na.
Ang unang halimbawa ay si Loring (hindi niya tunay na pangalan). May nakausap lang siyang isang kapwa Pilipina na nag-alok ng pautang. Mabilis daw ang pag-process, maliit ang bayad buwan-buwan at aprubado agad kahit ilang buwan pa lang siyang nakararating sa Hong Kong. Kaya lang, hahawakan nila ang passport niya.
Sa madaling salita, pinautang si Loring ng HK$4,000. At dito na nagsimula ang kanyang kalbaryo. Ang interes pala dito ay 10 per cent kada buwan. Sa makatwid, bawa’t buwan ay magbabayad siya ng $400—at hindi mababawasan ang utang niya. At kung gusto niyang bayaran ang utang niya para mabawi ang passport na kailangan niya para magbakasyon sa Pilipinas sa Pasko, ito na ngayon ay $4,800. Pero ayaw nilang bayaran niya ang utang, para habambuhay ang pagbabayad niya ng interes.
Kung sobra na iyan, may mas masahol pa. Si Nettie (hindi rin niya tunay na pangalan) ay hindi man lang nakitman ang inutang.
Kinaibigan lang siya ng kapwa OFW. Minsan ay dumaing ito na nagkaroon ng biglang pangangailangan at nangutang. Nang sinabi niya na wala siyang pera, nagbigay ito ng solusyon: pahiram na lang ng passport. nalaman niya lang na nagkautang siiya nang tumawag ang kolektor.
Ilegal ang ganitong pautang, kaya puwedeng humingi ng tulong sa pulis. Dapat ay malaman ito mga biktima upang matigil na.