Siya kasi ay hindi din naging ugali ang makinig sa kuwentuhan ng ibang mga kasambahay tungkol sa mga pangit na ugali ng kanilang mga amo. Kaya ganoon na lang ang pagtataka ni Magda nang makita niya minsan si Joana na nakaupo sa ibaba ng building nila, bandang alas otso ng umaga. Alam niya na stay-out ito pero hindi niya maintindihan kung bakit hindi pa ito pumanhik sa bahay ng amo niya.
Nang tanungin niya, ganito ang naging sagot ni Joan, “Alam mo kaibigan, wala akong susi sa bahay ng mga amo ko. Nagdo-doorbell ako kapag pumapasok na ako sa bahay nila, at kapag paalis na sila ay saka ibibigay yung susi ng bahay. Pero oras na dumating sila sa hapon ay ini-intrega ko din kaagad ang iniwang susi sa akin. Hindi lang iyan, may camera pa sa lahat ng parte ng bahay."
Idinagdag pa ni Joana na masyadong istrikto ang mga amo pagdating sa pagkain ng alaga niya. Hindi niya ito puwedeng pakainin ng kung ano ano lang, at hindi din puwedeng gamitan ng sabon kapag pinapaliguan.
Sobrang kuripot din ng mga ito dahil pati sa paglalaba ng mga damit nila ay kakaunting sabon lang ang ipinalalagay sa washing machine. Dahil bawal na gamitan niya ng dryer ang mga damit at isampay sa verandah para sana maarawan at may kakaibang amoy na ang mga ito. Sa kabila nito, ayaw pa rin siyang pagamitan ng dehumidifier para sana matanggal kahit paano ang amoy na nakulob. Tapos ay panay reklamo daw ang mga ito na mabaho ang mga damit nila.
Minsan naman ay pinaratangan siya ng kanyang amo na pinapakain niya ang kanyang alaga ng strawberry candy dahil may nakita ito na ganitong klase ng candy sa gulong ng pram ng kanyang alaga. Sa inis ni Joana ay sinabihan niya ang amo na alam niya ang patakaran nila na ang dapat lang niyang ipakain sa bata ay ang pagkain na ibinibigay nila.
Hindi nakasagot ang amo, pero nalaman ni Joana pagkatapos na tinanong mismo nito ang amo ni Magda kung pinapakain ba nila ng strawberry candy ang kanilang anak. Napahiya daw ito nang sabihan ng amo ni Magda ng, “My daughter doesn’t eat any sweets”. Pero hindi pa ito nakuntento, at nagtanong pa rin sa ibang mga kasambahay kung binibigyan ba nila ng pagkain ang kanyang anak.
Ayon naman sa mga ito ay hindi nila binibigyan ng kahit ano ang bata dahil binalaan na sila ni Joan na bawal pakainin ito ng iba.
Lalong nainis si Joan sa ganitong ginagawa ng kanyang amo, pero pinagtitiisan na lang niya dahil kailangan niya ng pera para sa mga anak na nagsisipag-aral. Ang kainaman lamang sa kawalan nila ng tiwala sa kanya ay nakakauwi na siya agad kapag dumating na ang mga ito.
At kahit may ginagawa pa siya o mayroon pa siyang niluluto ay pinapauwi na siya kung may pupuntahan ang mga ito pagkagaling sa kanilang trabaho.
Bakasyon grande din siya tuwing out-of-town ang mga ito dahil ayaw siyang iwanan ng susi, kaya kahit linis ay hindi niya ginagawa.
Gayunpaman, nakakasakit daw sa loob ang ganitong kawalan nila ng tiwala sa kanya. Si Joana ay 40 taong gulang, tubong Benguet, at may mga anak. Isang taon na siyang naninilbihan sa mga amo na nakatira sa New Territories. — Marites Palma