Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Lab siya ni Tatang

15 December 2016

Magmula nang mag retiro si Tatang na bossing ni Gingging ay naging masikip na ang mundo nilang dalawa. Kung dati kasi ay libre si Gingging na gawin ang gusto halos maghapon ay hindi na ngayon dahil nasa bahay na lagi si Tatang na isang diborsyado.

Lalo pang nadagdagan ang problema niya dahil kumuha ng mas maliit na bahay si Tatang, at isinamang lumipat ang girlfriend niyang Intsik na hindi gaanong kasundo ng Pinay.

Naging malungkutin din si Gingging dahil wala na sa malapit ang mga naging matalik niyang kaibigan sa dati nilang tirahan. Wala na siyang kakuwentuhan o kakulitan sa mga panahong libre sila lahat sa mga gawaing bahay. Bukod dito, ang dating maluwang at kumpleto sa gamit na kuwarto niya ay napalitan ng isang maliit na lungga na halos kama na lang niya ang maaaring magkasya, at walang bintana.

Dahil sa biglaang pagpapalit ng kanyang sitwasyon ay naisip ni Gingging na umuwi na lang sa Pilipinas. Tutal ay matagal na naman siyang hinihikayat ng mga kapatid at pamangkin na mag for good na dahil wala na siyang kailangan pang gastusan.

Nakatulong siya sa pag-aaral ng karamihan sa mga ito, at gusto nilang suklian ang pagpapakasakit na ginawa niya para sa kanila. Nagtayo na din ang mga kaanak niya ng isang negosyo na maaari niyang tulungang patakbuhin sa kanyang pag-uwi.

Kaya kahit may posibilidad na hindi siya makatanggap ng long service sa 20 taon na pinagsilbihan niya si Tatang dahil siya ang umayaw sa trabaho ay ok na kay Gingging. Uuwi na siya talaga, at wala nang makakapagbago sa kanyang desisyon.

Isang buwan bago ang balak niyang umuwi na sa Maynila para doon na mag Pasko ay kinausap na ni Gingging ang amo para magpaalam. Nagulat si Tatang dahil hindi pa naman matatapos ang kanilang kontrata.

Gayunpaman ay hindi ito nagreklamo, bagkus ay humingi pa ng tawad sa hindi nila pagkakaunawaan sa mga nagdaang buwan. Nagpasalamat din ito sa naging tapat na paglilingkod ni Gingging, lalo na noong ito ay nagkasakit nang malubha, at halos hindi na makagalaw mag-isa. Sa bandang huli ay sinabi nitong ibibigay niya kay Gingging ang nararapat para sa dalawang dekada nitong pagsisilbi sa kanya.

Tuwang-tuwa naman ang Pinay dahil hindi lang medyo malaki ang ibinigay na halaga sa kanya, kundi dahil na din maghihiwalay sila nang maayos ng among itinuring na niyang kaibigan dahil sa kabaitang ipinakita nito sa kanya. Si Gingging ay mahigit 50 anyos, dalaga, at taga Cainta. - DCLM

Don't Miss