|
Ni Marites Palma
Dalawang taon na ang nakalipas magmula nang magbitiw ng pangako si Dr. Michael Manio magkakaroon ng konkretong tulong pangkalusugan para sa mga OFWs ang Hong Kong University, kung saan siya ay isang medical researcher at propesor.
Ang pangako na binigkas niya sa selebrasyon ng ika-limang taong anibersaryo ng Isabela Federation noong Okt 2, 2014 ay isasagawa daw niya sa pakikipagtulungan sa mga migranteng manggagawa ng Pilipinas.
Ilang buwan pagkatapos nito, o noong Peb. 15, 2015, ay pormal nang inilunsad ang HKU ang kanilang “Domestic Workers Empowerment Program in Hong Kong” (DWEP). Sa araw na ito, Linggo, unang binuksan ng HKU ang pintuan nito para sa maraming manggagawang Pilipino. Nilibot sila sa buong campus para matunghayan ang makabagong kagamitan ng unibersidad, at masanay sila sa paglilibot sa iba-ibang gusali doon.
Kasama ni “Doc Mike” ang ilang mga estudyante ng HKU sa pagsalubong sa mga manggagawa at ipaliwanag ang mithiin ng kanilang proyekto. Unang una na rito ang hangarin na mabigyan ng disenteng lugar na mapupuntahan ng mga manggagawa tuwing araw ng kanilang pahinga. Ayon sa mga volunteer, nakita daw kasi nila ang maraming manggagawa na sa gilid ng kalsada nagkakainan at nagkukuwentuhan tuwing sila ay nakapahinga sa araw ng Linggo. Habag ang naramdaman nila diumano, dahil sa nakitang sitwasyon nng mga manggagawa, na hindi natitinag sa kanilang puwesto, mainit man o malamig ang panahon. Kung minsan, kahit pa humahagupit ang malakas na ulan.
Sa pamamagitan ng kanilang ugnayan ay nalaman ng mga taga HKU ang mga hinaing ng mga manggagawa tungkol sa kanilang kalusugan, at problema sa pamilya at kapwa migrante. Napag-alaman din na sa kabila ng kanilang matinding pinagdadaanan ay nagagawa pa rin nilang manilbihan nang maayos at matapat bilang tagapag-alaga ng mga anak at matatandang miyembro ng pamilya ng mga taga Hong Kong. Ito ang siyang nagbigay-daan para makapagtrabaho ang maraming kababaihan dito at, makatulong para sa patuloy na pag-usad ng lokal na ekonomiya.
Ayon kay Doc Manio, itinatag ang proyektong ito para sa mga mangagagawa bunsod ng hangaring mabigyan sila ng lakas ng loob at positibong pananaw sa buhay, mapanatili ang kanilang masiglang pangangatawan at kaligtasan, at maging masaya at kapaki-pakinabang ang kanilang pagtira sa Hong Kong.
May outing din upang makita ang magagandang tanawin ng Hong Kong. |
Sa ngayon ang DWEP ay may 4,073 nang miyembro, na kasama sa kanilang Facebook page. Nakapagtapos na ng pagsasanay ang unang grupo ng mga miyembro ng DWEP, at kasalukuyang nag-aaral ang mga miyembro ng batch 2.
Ayon kay Colleen Navarro na siyang secretarya ng batch 2, ang pagkakaroon ng mga opisyal sa kanilang grupo ang naging dahilan kung bakit naging mas malapit ang sa isa’t isa ang kanilang mga miyembro. Dahil daw sa DWEP ay marami ang nailayo sa hindi kaaya-ayang pampalipas ng oras katulad ng sugal o pagsali-sali sa mga patimpalak kagandahan, na madalas magsanhi sa pagkabaon sa utang ng marami.
Malaking pasasalamat din ng mga estudyante ng DWEP dahil nabigyan sila ng pagkakataong magamit ang mga pasilidad ng unibersidad at maturuan ng walang bayad ng mga de kalidad na propesor dito. Alam daw nila na napakalaking sakripisyo para sa mga volunteer ang gugulin ang dapat sana’y oras nila ng pahinga sa pagtuturo upang mapagyaman ang personalidad ng mga mga migranteng manggagawa.
Sa kabila nito, hindi lang sa loob ng silid-paaralan natututo ang mga miyembro ng DWEP dahil nagkakaroon din sila ng pagsasanay sa baybay dagat, at pati ng pamumundok para mamulot ng basura, alinsunod sa paksa ng kanilang leksiyon.
Para kay Navarro, ang pinakamasayang pangyayari ay noong bumisita sa DWEP ang MMK (Maalala Mo Kaya), ang drama sa TV na ang host ay si Charo Santos. Tatlong estudyante ng nagkaroon ng kakaibang pagkakataon na makapanayam ng sikat na aktres at TV host para ilahad ang kanilang personal na karanasan.
Ayon naman kay Gegerma Montero, ang pagkakabilang niya sa DWEP ay isang karangalan, at lubos niyang ipinagmamalaki na nakatuntong siya sa HKU.
“Natutunan ko ang mga ibang aspeto ng non-formal education gaya ng usaping pangkalusugan at kapaligiran, at ang mga batas na nakaka-apekto sa atin bilang dayuhang mangagagawa dito sa Hong Kong. Bukod dito, natutunan ko din ang tamang pakikisalamuha sa iba’t ibang lahi para magkaroon ng mga bagong kaibigan, at pati ang pag-improve ng aking self-esteem,” ayon kay Montero.
Dagdag ni Loria Sue, “ Ang natutunan ko ay tungkol sa health, gaya ng tamang impormasyon tungkol sa depression at paano ito mapaglalabanan ito. at pati na rin ang tungkol sa batas ng Hong Kong - ang mga karapatan ko bilang manggagawa at mga issue na may kinalaman sa immigration. Natuto din ako ng pangangalaga sa kalikasan, at pati na kung paano makisalamuha sa mga estudyante ng HKU na mula pa sa iba-ibang panig ng mundo.”
Hindi naman maipaliwanag na tuwa ang naramdaman ni Krizel Joy Muega dahil nakatagpo daw siya ng mga bagong kakilala na naging mga matalik ng kaibigan at kapamilya na kung ituring niya ngayon, ng dahil sa DWEP. Marami din daw siyang natutunan na leksiyon sa buhay na nagsilbing daan upang maging mas mabuti siyang mamamayan, at maging mas responsableng tao.
Si Vicky Munar naman na kabilang na ng maraming grupo sa Hong Kong katulad ng CARD OFW at Lakbay Dangal ay lagi nang inaabangan ang mga gawain ng DWEP tuwing Linggo dahil mas nahahasa ang kanyang kaalaman ng dahil sa mga ito. Kabilang dito ang mga “friendly competition” sa cheering, cooking, dancing at choral singing.
Para sa maraming miyembro ng DWEP, naging isang pangalawang pamilya na nila ang grupo dahil dito sila natututo ng tungkol sa iba’t ibang aspeto ng buhay, at umusbong ang isang samahan na pinatatag ng katapatan sa isa’s isa.`
Ang mga kasalukuyang lider ng DWEP ay sina: Aldwin Mas, pangulo; Brenda Atrero, pangalawang pangulo(interrnal); Len Flores, pangalawang pangulo(external); Colleen Navarro, kalihim; Carolle Obillo, pangalawang kalihim; Esther Ducusin, taga-ingat yaman; Ellen Almacin, pangalawang ingat yaman; at Dami, Indonesian representative.