Hindi pa naranasan nina Arnorld at Alma na sumali sa anumang kilos protesta kaya nang isama sila ng kanilang amo sa isang rally para manawagan ng malinis na eleksyon sa Malaysia kamakailan ay parehong hindi nila maipaliwanag ang kanilang damdamin.
Suot-suot ang T-shirt na uniporme ng mga nag-protesta, sumama silang nagmartsa patungo Konsulado ng Malaysia sa Wan Chai. Kahit hindi nila naiintindihan ang lengguwahe at sumasabay din daw sila sa pagsigaw.
Pagkatapos ng rally ay pinayagan silang mamasyal muna kahit hindi naman araw ng kanilang pahinga, bagay na ikinatuwa ng dalawa.
Nakipagkita sila sa isa pa nilang kaibigan at masayang ikinukuwento ang kanilang naging karanasan. Pero bigla silang natigilan nang sabihin ng kanilang kaibigan na bawal daw ang ginawa ng kanilang amo dahil hindi naman sila Malaysian.
Sumabad sa usapan ang katabi nilang kumakain. Ipinaliwanag nito na malaya namang sumama sa mga kilos-protesta ang sinuman dito sa HK.
Halatang hindi kumbisido ang kaibigan nila pero hindi na din ito nagpursige kaya iniba na lang ni Arnold ang usapan. Si Arnold at Alma, parehong Bisaya, ay naninilbihan sa mag-asawang Malaysian na nakatira sa Deep Water Bay. —Gina N. Ordona