Sa pag-uusap ng magkaibigan, naikumpara nila ang kanilang mga trabaho.
Para kay Jay, parang mahirap ang maging yaya at magtrabaho sa bahay. Isang malaking responsibilidad ang pag-aalaga ng bata at ang kaligtasan nito ang laging dapat na nasa isip ng isang tagapag-alaga.
Ang sabi naman ni Jaja, mas rewarding daw para sa kanya ang pag-aalaga ng bata, lalo na kung ito ay bagong panganak pa lang. Parang sarili mo nang anak daw ito na pinalalaki at napapamahal sa iyo. Sa kasalukuyang amo kasi ni Jaja, siya na halos ang nagpalaki sa tatlong anak ng kanyang amo.
Naitanong ni Jay kay Jaja kung hindi ba siya nahihirapan lalo na kung nagkakasakit o nagta-tantrums ang kanyang mga alaga. Sagot lang sa kanya ng kaibigan ay hindi naman kailangang kunsumihin ang sarili dahil nakukuha naman sa paliwanag ang mga bata at kung minsan ay mas madali pa itong makaunawa kaysa sa mga matatanda.
Para sa kanya, mas maiging mag-alaga na lang ng bata kaysa mag-asikaso sa gawaing bahay. Sabi pa ni Jaja, ang trabahong bahay ay paulit-ulit lang na ginagawa, walang challenge ika nga. Ang pagpapalaki ng bata ay mas may challenge, at dahil dito, kasama ka ng mga magulang ng mga bata sa paghubog ng kanilang mga karakter at kahit anong pagod mo, ang paglalambing ng mga bata ay nakakaalis ng pagod.
Nasabi pa nga ni Jay na kakaiba ang kanyang naririnig sa ibang mga yaya dahil kadalasan ay puro reklamo ang mga ito dahil sa kakulitan ng kanilang mga alaga. Iba daw kasi ang approach ni Jaja sa kanyang mga alaga, hindi niya ito dinadaan sa sigaw o galit. Kinakausap niya ang mga ito nang maayos at dinidisiplina lang kung kailangan.
Napabilib naman si Jay sa pananaw ng kanyang kaibigan dahil para sa kanya, hindi biro ang pagiging yaya. Sa kanilang pag-uusap, naisipan nila na gumawa ng blog o magsulat ng libro tungkol sa mga karanasan, mungkahi at buhay ng isang yaya. Naisip nilang maaaring makatulong ito sa mga kapwa nila OFW at maging inspirasyon naman sa iba pang mambabasa.
Katuwaan lang, sabi ng magkaibigan, at tatawagin nila ang blog na Yaya 101. –Jo Campos