Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Wan Chai, Noon at Ngayon (Wan Chai Heritage Trail)

08 November 2016

Ang mga bagong gusali sa Quees Road East sa Wanchai.


Ni Jo Campos

Kapag nabanggit ang Wan Chai, malamang na ang pumapasok agad sa isip ng karamihan ay ang reputasyon nito bilang “red light district” ng Hong Kong. Dito kasi matatagpuan ang maraming mga bahay-aliwan at mga disco, lalo na sa kahabaan ng Lockhart Road. Pagsapit ng dilim, agad mapapansin ang pagkutitap ng mga ilaw mula sa mga bar at disco dito, at ang pagdagsa ng mga parokyano.

Ang hindi alam ng marami ay hitik sa kasaysayan at kultura ang Wan Chai.

Ang Wan Chai ay halaw sa salitang Cantonese na ang literal na kahulugan sa Ingles ay “cove district” o’ “small bay”. Ito ang tinawag sa distrito na ito dahil dati itong pinamamahayan ng mga tsinong mangingisda.

Noong unang panahon, ang bungad ng Wan Chai ay nasa Queen’s Road East, ngunit sa pagdaan ng panahon at dahil na rin sa patuloy na reclamation ay lumawak ang lupang nasasakop ng Wan Chai.
Ngayon, ang maraming makabagong mga gusaling nagsusulputan sa Wan Chai ay nagkukubli sa mga gusaling may ilang daang taong gulang na. Hindi sila giniba kahit  na patuloy ang modernisasyon ng distrito, alinsunod sa batas na naglalayon na panatilihin at pagyamanin ang kultura at kasaysayan ng Hong Kong.

Dahil dito, nananatiling makasaysayan ang maraming mga lugar at gusali sa Wan Chai.

Kabilang sa mga ito ang makukulay na lumang gusali sa iba’t ibang sulok ng distrito. Halimbawa, sa panulukan ng Mallory St. at Burrows St. ay matatagpuan ang gusaling tinawag na Green House, na itinayo noong unang bahagi ng 20th century. Ang mga haligi at punong hagdanan nito ay gawa sa bakal at hango sa French at Western architecture ang disenyo. Ginagamit ito ngayon bilang gusaling pang komersyo, o para sa mga tindahan at opisina.

Dahil maraming mga banyaga ang nanirahan sa lugar na ito mula nang sakupin ng mga Briton ang Hong Kong noong 1841, marami sa mga gusali dito ay inayon sa kanilang nakagisnang disenyo.

Ang isa pang natatanging gusali ay ang Blue House, na matatagpuan sa Stone Nullah Lane, at abot- tanaw lang mula sa palengke ng Wan Chai. Sa kasalukuyan, ang gusaling ito ay sumasailalim sa preserbasyon at pag-aayos upang mapanatili ang dating anyo nito. Ang Blue House ay may tinaguriang Grade 1 historic building na ang ibig sabihin ay hindi ito maaring gibain o baguhin ang disenyo.

Ang lumang post office na daang-taon na.
Sa kahabaan ng Queen’s Road East naman ay matatagpuan ang Old Wan Chai Post Office na itinayo sa pagitan ng taong 1912 at 1913, at nagsilbing tanggapan ng koreo hanggang taong 1992.

Sa kasalukuyan, ito ang tanggapan ng Environmental Resource Centre. Ang gusaling ito idineklara bilang isang monumento mula pa noong Mayo ng taong 1990.

Sa di kalayuan ay mararating ang dating Lee Tung Street, na ngayon ay Lee Tung Avenue na. Matapos ang ilang taong negosasyon sa pagitan ng gobyerno at mga may-ari ng bahay at negosyo sa kahabaan ng kalsadang ito, isinagawa ang paggiba sa hanay ng mga tradisyunal na imprenta at iba pang kalakal dito noong taong 2007, alinsunod sa mandato ng Urban Renewal Authority. Sa kanilang dating puwesto ay itinayo ang The Avenue, isang gusaling tirahan at pang komersiyo na ngayon ay isa nang sikat na pasyalan.

Sa kabila nito, nananatili ang bansag sa Lee Tung Avenue na “wedding card street” dahil marami pa ring natitirang maliliit na pagawaan ng imbitasyon sa kasal at iba pang okasyon, bukod pa sa mga mga lai see packet at mga kalendaryo. Ang nawala lang ay ang imprenta ng mga pahayagan noon.
Para sa mga mahilig mag selfie, isang kakaibang background ang dulot ng pasyalang ito. Ang mga tansong imahe ng masasayang bata na naglalaro at makikita sa iba’t ibang bahagi ng makukulay na ilaw at lamparang nakasabit sa Lee Tung Avenue ay parang sadyang ginawa para pagandahin ang bawat litratong kinukunan dito.

Kung ang pamamasyal sa Wanchai ay nataon sa araw ng Linggo at napadaan ka sa Southorn Playground, tiyak na makakapanood pa ng mga Pinoy na na naglalaro ng basketball sa malawak na palaruang ito. Halos lingo-linggo ay may paliga ang mga grupo ng mga Pilipino na nahuhumaling sa larong ito.

Sa kabilang bahagi naman ng Wan Chai, matatagpuan sa 55 Ship Street ang Nam Koo Terrace, isang gusali na mas kilala bilang “The Wan Chai Haunted House”. Itinayo ito noong 1915-1921, at pag-aari ng isang mayamang negosyante mula sa Shanghai. Sinamsam ng bansang Hapon ang bahay noong ikalawang pandaigdigang digmaan at ginamit bilang bahay-aliwan ng kanyang mga sundalo. Dito ginahasa at paulit ulit na inaabuso ang mga “comfort women” na bihag ng mga Hapon. Dahil dito, sinasabing ang Nam Koo Terrace ay kinatatakutan dahil umano sa mga naririnig na panaghoy at hiyaw ng mga kaluluwang nagmumulto dito. Nananatiling bakante ang bahay na ito hanggang sa kasalukuyan.

Dinarayo din ng mga turista at dayo ang Star Street Precinct na malapit sa Three Pacific Place sa ibang kadahilanan. Dito matatagpuan ang mga makabagong bar at kainan na paboritong puntahan ng mga banyaga, katulad ng Soho at Lan Kwai Fong sa Central.

May apat na bahagi ang Star Street Precinct, ang Star Street, Moon Street, Sun Street at ang Wing Fung Street. “East meets West” ang tema ng mga gusali sa lugar na ito dahil karamihan sa mga kainan ay nasa loob ng mga lumang gusali na inayos at ginamitan ng makabagong disenyo.

Sakaling magutom habang namamasyal, maraming pagpipiliang kainan, mula sa Thai, Vietnamese, Cantonese, o Italian, at marami pang iba. Ano man ang gustong kainin, tiyak na may matatagpuang restawran na akma sa iyong panlasa.

Nakaaaliw na habang namamasyal, hindi lamang magagandang tanawin ang makikita, kundi mga lugar na may mayamang kasaysayan at kakaibang kuwento.

Maraming puwedeng sakyan papunta sa Wan Chai. Mula sa Central, maaaring sumakay ng MTR, bus 5B at 10, o di kaya ay sumakay ng tram papunta ng Causeway Bay, Happy Valley, North Point o Shaukeiwan.

Simulan ang pamamasyal mula sa Wan Chai market, at baybayin ang Queen’s Road East o ang Johnston Road upang marating ang mga lugar na ito na hitik sa kasaysayan.

Don't Miss