Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Tulong sa biktima ng Lawin

21 November 2016

Ipinaalala ng Overseas Workers Welfare Administration sa Hong Kong na maaari nang makuha ng mga OFW na biktima ng bagyong Lawin ang tulong mula sa ahensya na nagkakahalaga mula Php1.5k hanggang Php3k bawat pamilya.

Ang mga nakatira sa mga sumusunod na lugar ang maaaring makakuha ng benepisyo: Cagayan, Isabela, Kalinga, Apayao, Northern Abra at Ilocos Norte. Ang mga “active member” ng OWWA ay makakatanggap ng Php3k kada pamilya, at Php1.5k naman sa mga “non-active member”.

Ayon kay OWWA welfare officer Judith Santos, marami na ang nakatanggap sa tulong. Kailangan lang daw ng patunay ng pagiging miyembro sa OWWA para makuha ito.

Para sa mga dagdag kaalaman, maaaring sumangguni sa pinakamalapit na opisina ng OWWA sa inyong lugar.

Samantala, may dalawang grupo sa Hong Kong na nagsagawa ng paglikom ng pondo at gamit para sa mga nasalanta ni super typhoon Lawin.

Nangunguna dito ang Abante Cagayanos na naglunsad ng Oplan Tulong Cagayan noong Okt. 30 sa Central. Ang mga nakalap nilang donasyon ay ipapadala nila sa  bayan ng Penablanca sa Cagayan na pinakamalubha ang tinamong pinsala.

Ang mga gustong tumulong pa ay maaring tumawag sa lider nilang sina Allan Cayosa Mas, Noel Collado at Jallee Echenique sa telepono bilang 67154734 o magpadala ng mensahe sa facebook page ng Abante Cagayanos.

Tumatanggap sila ng mga donasyon ng lumang damit, kumot, tuwalya, gamit sa kusina, school supplies para sa mga bata, pagkaing de lata, instant noodles, tooth paste, toothbrush at sabong pampaligo. May tatlong kahon na nakatakda nilang punuin sa Nob. 27 bago ipadala sa Penablanca.
Samantala, mabilis ding nagsagawa ng fund raising ang grupong Yellow Warriors para sa mga biktima. Umabot sa Php16,500 ang kanilang nalikom mula sa mga kaibigan at mga taong nagsadya sa kanilang tambayan sa Exit E ng MTR Central station mula Okt 30 hanggang Nob. 6

Ang kabuuang halaga ay personal na dinala ng kanilang presidente na si Glady Ecleo Ayo sa tanggapan ni Bise Presidente Leni Robredo sa New Manila, Quezon City.

Ang napili nilang beneficiary ay ang Don Severino Pagalilauan National High School sa  Callao, Penablanca.

Pinangunahan ng pangalawang pangulo Beth Fremista at  pangalawang ingat- yaman - Ging Vestidas ang pagkalap ng donasyon. – may ulat ni Marites Palma

Don't Miss