Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Techie ang kanyang alagang aso

21 November 2016

Nadagdagan ang trabaho ni Norma simula nang dumating siya mula sa kanyang day-off at madatnan ang isang kuting at isang tuta sa kanilang bahay. Ilang buwan pa lang siyang nagtatrabaho noon sa mag-asawang amo sa Mid Levels na walang anak.

Kahit dalawa lang ang kanyang pinagsisilbihan ay hindi nauubusan ng utos ang kanyang amo na parang sinusulit ang pinapasuweldo sa kanya. Halos araw-araw ay may listahan siya ng gagawin sa maghapon. Biruan nga nilang magkakaibigan ay laging may “reseta” ang kanyang amo.

Hindi naging madali kay Norma ang pag-aalaga sa mga hayop dahil parang wala na siyang ginawa kundi dumampot ng dumi at maglampaso ng ihi ng mga ito. Halos walang sulok sa bahay na hindi nagdudumi ang kanyang mga alaga.

Ang isa pang bagong obligasyon ni Norma ay ang paglalakad ng aso. Kailangan daw niyang ilakad ang aso ng apat hanggang limang beses sa isang araw para masanay itong dumumi at umihi sa labas. Kailangan din niyang siguraduhin na mahigit kalahating oras itong naglalakad. Dati-rati ay bumabalik agad sila sa bahay matapos niyang mapadumi ito sa labas.

Isang araw ay sinita siya ng amo dahil hindi daw sapat ang oras ang ginawa nilang paglalakad sa aso. Nagtataka si Norma kung paano ito nalalaman ng amo samantalang maghapon ito sa opisina. Alangan namang nagsusumbong ang kanyang aso, sa isip-isip niya.

Ang dahilan pala ay ang isang gadget sa dog collar ng alaga na nagpapakita kung gaano katagal itong inilakad, at iba pang impormasyon gaya ng nutrisyon at kung ano ang mood nito sa kasalukuyan. Ang tawag sa gadget na ito ay Fitbark.

Naikuwento ni Norma ito sa kanyang mga kaibigan kaya’t naisipan nilang i search ito sa Google. Ayon sa kanyang isang kaibigan, wala palang lusot si Norma dahil naka-monitor ang lahat ng galaw ng aso. Biniro pa siya nito na baka sa susunod ay siya na ang pagsuotin ng gadget para malaman ng amo ang lahat ng galaw niya. Naisip din niya na baka may CCTV pang nakatago sa loob ng bahay, kaya kailangan niya ng dobleng pag-iingat.

Ilang buwan pa lamang ay naii-stress na si Norma sa mga mahigpit na pamamalakad ng amo, kaya napagdesisyunan na niya na humanap na ng ibang malilipatan kapag natapos na ang kanyang unang kontrata. Pero sa ngayon, kailangan niyang magtiis-tiis pa sa amo.–Jo Campos

Don't Miss