Agad namang itinanggi ng aktor ang paratang, at sinabing idedemanda niya ang police chief ng Albuera na sinasabi niyang nasa likod ng maling akusasyon.
Ang pangalan ni Richard ay lumitaw sa pagtestigo ni Region 8 Chief Inspector Leo Laraga ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pagdinig ng Senado noong Nob. 10 sa pagpaslang kay Espinosa sa loob ng kulungan.
Ayon kay Laraga, kasama si Richard sa listahan ng mga “protector” daw ng mga nagpapakalat ng droga sa Eastern Visayas na nasa sinumpaang salaysay ni Mayor Espinosa.
Pumutok ang balita habang nagbabakasyon si Richard sa London kasama ang asawang si Lucy Torres. Agad niyang sinabi na malisyoso at “politically motivated” ang akusasyon. Hinding hindi niya ito magagawa dahil matagal na siyang anti-drug advocate at alam ito ng maraming tao. Dating kinatawan si Richard ng party list group na Mamamayan Ayaw sa Droga (MAD) na siyang naglunsad sa kanyang unang pagsubok sa pulitika noong may 15 taon na ang nakakaraan.
Inatasan na niya ang kanyang abogado na sampahan ng kaso si Albuera police chief Maj. Jovie Espenido na ayon kay Richard ay kaalyado ng kanyang mga kalaban sa pulitika, dahil ilang beses na raw nitong tinangkang sirain ang kanyang pangalan. Ito raw marahil ang nag-impluwensya kay Mayor Espinosa na idawit ang pangalan niya at iba pang inosenteng opisyal ng Leyte. Pinakikiusapan niya ang mga mambabatas na imbestigahang mabuti ito dahil may mga taong nais guluhin ang ngayo’y mainit na usapin tungkol sa droga.
Sinabi pa ni Richard na isa siya sa mga sumuporta kay Presidente Duterte noong nakaraang halalan dahil pareho raw sila ng layunin na labanan ang lumalalang problema sa droga.
Samantala, ang listahan ng mga celebrity na gumagamit diumano ng droga ay nasa tanggapan na raw ng pangulo. Hindi pa tiyak kung kailan ito ihahayag sa publiko dahil maraming taga-showbiz na malapit sa pangulo, gaya ni Robin Padilla, ang humihiling na huwag na itong isapubliko.
Maapektuhan daw kasi ang kanilang kabuhayan, at madadamay ang kani-kanilang pamilya.
KRISTINE, UMALMA SA BATIKOS KAY OYO
Hindi napigilang patulan ng bagong panganak na si Kristine Hermosa ang mga bumabatikos sa kanyang asawang si Oyo Sotto. Nag-umpisa ang pamba-bash sa social media kay Oyo nang ilabas nito ang larawan ng bagong silang nilang supling, na pang-apat na sa kanilang mga anak. Ang karamihang puna ay bakit daw panay ang gawa ng anak ni Oyo samantalang wala naman itong maayos na hanap-buhay at umaasa lang sa ama nitong si Vic Sotto.
Lalong lumala ang pambabatikos kay Oyo, na bunso sa dalawang anak nina Vic at Dina Bonnevie, dahil napikon ito at pinatulan ang mga nagko-komento sa kanyang Instagram account.
Buwelta ni Kristine sa isang nagtatago sa account name na @batugansioyo: “Kung sino ka man, tigilan mo ang asawa ko!!! Kung wala kang magawang makabuluhan sa buhay mo, ‘wag kang mang-istorbo ng buhay ng iba! At maghinay-hinay ka sa mga binibitawan mong salita, dahil unang una, WALA KANG ALAM NA KAHIT KATITING SA BUHAY NAMIN!!! Pangalawa, matakot ka sa Diyos dahil baka matindi ang balik sa ‘yo ng mga pinagsasabi mo!!!”
Dugtong pa niya: “Ano bang problema mo sa asawa ko???!!! Bakit ganun na lang ang pag-aabala mo na gumawa ng iba’t ibang account para lang makapang-bash???!!!”
Hinamon din ni Kristine ang naturang basher na harapin sila ng mister na si Oyo: “At dinamay mo pa talaga ang buong pamilya namin ah!!! Kung talagang hindi ka duwag, tulad ng sinabi ko, magpakilala ka at magpakita ka ng personal!!! At saka natin pag-usapan ang galit at inggit mo sa amin!”
Samantala, nag-iwan din ng mensahe si Oyo at nagsabing huwag nang idamay si Kristine. Pahayag ni Oyo sa isa pang basher, “Sa akin kayo galit di ba? Tara mag-usap tayo kasama pa ng mga ibang kaibigan mo. Sabihin n’yo lahat ng galit n’yo sa akin at ikukuwento ko sa inyo ang storya ko. Hindi kasama ang asawa ko. Ako lang. At hindi ako inutil. Baka ikaw.”
Bukod sa bunso nila na pinangalanan nilang Marvic Valentin, ang iba pa nilang anak ay sina Ondrea Bliss, 4, Kaleb, 2 at adopted son nilang si Kiel, 8.
Marami sa mga fans si Kristine ang nanghihinayang dahil mula nang mag-asawa ay hindi na ito napapanood umarte. Nito na lang na bago siya nanganak siya nakasama sa sitcom na “Bahay Mo Ba ‘To”, kasama nina Vic Sotto, AiAi delas Alas, Jose Manalo, Wally Bayola at Oyo. Ipinalit ito sa “Vampire ang Daddy Ko” TV series ni Vic, na kasama rin si Oyo.
Hindi man napapanood si Oyo sa ibang proyekto na hindi kasama ang ama, may mga nagsasabi na may pinagkakaabalahan din naman itong negosyo. Kasosyo daw sila sa isang restaurant na may ilang branches na, at may car dealership din siyang pinamamahalaan na pag-aari daw ni Vic.
TULOY-TULOY NA ANG PAG-ARTE NI PAOLO
Tila hindi na mapipigilan ang pag-arangkada sa pag-arte ni Paolo Ballesteros matapos siyang manalo ng best actor (at USD5,000 cash) sa Tokyo Film Festival sa kanyang unang solo film na “ Die Beautiful” noong November 3.
Bukod sa kanyang pag-arte, hinangaan din si Paolo sa husay niya sa make-up at panggagaya sa mga sikat na celebrities. Sa opening ng festival ay rumampa siya sa red carpet na naka-ayos bilang si Angelina Jolie, at marami ang nagpakuha ng larawan na kasama siya sa pag-aakalang siya talaga ang sikat na Hollywood actress.
Sa awards night naman ay si Julia Roberts naman ang kanyang ginaya.
Natuwa rin ang mga Japanese organizers sa kanya dahil sa kanyang sense of humor at husay sumagot, gaya nang tanungin siya kung saang kategorya niya gustong ma-nominate, kung best actor o best actress, na sinagot niya ng “both”. Nagulat din ang mga banyaga nang sinabi ni Paolo na siya ay “straight” at hindi gay, gaya ng pagkaka-akala nila, dahil sa natural niyang pag-arte sa kanyang pelikula.
Inamin ni Paolo malaking dusa ang pinagdararaanan niya tuwing mag-aayos siya bilang mga sikat na female celebrites na ginagaya niya. Iniipit niya ang mga parte ng kanyang katawan na hindi dapat makita upang lumabas siyang sexy, at tinitiis niya ang sakit ng mga paa sa matagal na oras niyang pagsusuot ng mga high heels.
Higit sa lahat, matagal at mabusisi ang paglalagay niya ng ng make-up na inaabot ng tatlong oras, upang makopya niya ang mukha ng mga ginagaya niya. Mahirap din ang at paglalagay ng niya ng artipisyal na mahahabang kuko, na dinidikit niya ng super glue, kaya napakasakit din daw nito kapag tinatanggal niya.
Inaasahang mapipili bilang kalahok sa darating na Metro Manila Film Festival (MMFF) ang “Die Beautiful”, na idinirek ni Jun Lana, at produced ng Regal Entertainment. Dahil sa magandang feedback ng pelikula, agad nang pinapirma ng 3-picture deal ni Mother Lily si Paolo, kaya inaasahang tuloy-tuloy na ang pagsabak niya sa pelikula. Pero siguradong pipilitin niyang hindi maapektuhan ang Eat Bulaga show na kinabibilangan niya dahil malaki daw ang utang na loob niya sa kanyang mga Dabarkads.
Kababalik lang niya sa show mula sa anim na buwan na suspension dahil sa paninigaw niya sa isang production staff.
Hindi naman daw niya pinanghinayangan ang sapilitan niyang pagbabakasyon dahil nakagawa siya ng dalawang pelikula, ang “Bakit Lahat ng Gwapo ay May Boyfriend?” at “Die Beautiful”, na nagdulot ng dagdag na biyaya sa kanya.
ANNE AT KIM, SUMALI SA NYC MARATHON
Masayang masaya si Anne Curtis dahil natupad niya ang isa sa mga pangarap niya, ang makasali at makatapos sa New York Marathon, na itinuturing na pinakamalaking marathon sa buong mundo dahil sinasaklaw nito ang limang ‘borough’ (bayan o distrito) ng New York . “I did it! My very first marathon in NYC! What a bucket list moment. I can’t explain how fulfilling it is when you cross the finish line. It certainly isn’t easy but the whole experience is worth the physical pain,” ang caption ng larawan niya na nakasuot ng medalya (bilang finisher), na kanyang ibinahagi pagkatapos ng marathon.
Pinasalamatan niya ang mga Pilipinong sumuporta at nag-cheer sa kanya doon, na ang iba ay may dala pang posters, at pati ang mga nag-donate sa UNICEF Philippines, kung saan ay isa siyang celebrity advocate for children. Agad niyang nakuha una niyang target na halaga ng donasyon na Php42,000 sa 42 kilometrong tinakbo niya, pero patuloy pa rin ang nagbibigay sa kanya ng pera.
Si Kim Atienza na kasamahan ni Anne sa “Its Showtime” ay sumali rin sa naturang marathon, pero nahirapan daw ito sa bandang huli dahil sa gastrointestinal problem kaya hindi nakatapos. Pero na-enjoy naman daw niya ang kanyang pagsali roon.