Maliliit pa ang kanyang mga anak noong iniwan sila ng asawa, kaya malaking hirap ang dinanas ni Jocelyn. Ganoon pa man ay nagtiis siya at itinuon ang atensyon sa pagpapaaral sa mga anak.
Nagkasabay-sabay pa ang problema niya sa mga magulang dahil nagkasakit noon ang kanyang inay at di naglaon ay sumakabilang buhay, kaya ang tatay niya ang naging taga pag-alaga sa dalawa niyang anak.
Dumating ang panahong nahihirapan na ang kanyang tatay na mag-alaga sa kanyang mga anak kung kaya’t inuwi nito ang kanyang kasintahan sa kanilang bahay para sana makatulong sa pag-aalaga sa mga anak ni Jocelyn. Ngunit imbes na makakatulong sana ang ka live-in ng tatay niya ay naging pabigat pa ito sa kanila.
Ayon sa mga anak at kapatid niya ay ang tatay niya ang nagtatrabaho sa bahay, at tuwing may padala siyang door-to-door box ay agad itinatago ng kanyang madrasta ang mga tsokolate, de lata o ano pang magustuhan nito. Feeling daw nito ay sa kanya ang mga padala.
Dahil sa sumbong ay agad na kinausap ni Jocelyn ang ama at pinamili sa kanilang dalawa ng kinakasama nito. Nagising sa katotohanan ang ama at pinaalis ang babaeng mapagsamantala, kaya naging masaya ulit ang kanilang bahay.
Hirap man sa mga gastusin ay itinaguyod niya ang pag-aaral ng mga anak. Mabuti na lang at matatalino at responsable ang kanyang mga anak. Nagtapos na valedictorian sa elementarya ang bunso niyang anak, at ngayon ay isang full scholar sa pribadong paaralan ng sekundarya sa kanilang bayan.
Minsang nagbakasyon siya ay nakipagkita ang kanyang asawa at kinausap niya na pumirma sa isang kasunduan na maghihiwalay na sila para makapag-asawa na daw sila sa taong gusto nila. Isang sampal kay Jocelyn ang tinuran ng asawa; mabuti na lang at namagitan ang kanyang mga biyenan at nagsabing hindi sila payag sa kalokohan ng kanilang anak.
Bumalik siya sa Hong Kong na masama ang loob. Pilit niyang kinalimutan ang taksil na asawa, pero nagpasyang hindi ibabaling sa iba ang kanyang pagtingin. Mabuti na lang at mababait ang kanyang mga among Singaporean sa Hong Kong kaya kahit paano ay kalmado pa rin ang kanyang isip.
Kadalasan ay dinadala siya ng mga amo sa Singapore, at may sinalihan din siyang asosasyon, kaya nalilibang din siya. Pagtuntong sa kolehiyo at high school ay biglang nagpahiwatig ang asawa na gusto nitong bumalik sa kanilang mag-iina. Nakapasok daw ito bilang Presidential Security Guard at pinayuhan ng mga kasama na bigyang halaga ang kanyang pamilya dahil ito ang hindi mang-iiwan sa kanya sa panahon ng kahirapan.
Niligawan nito ulit si Jocelyn na hindi naman nagpakipot pa dahil mula sa kaibuturan ng kanyang puso ay mahal na mahal pa rin niya ang kanyang guwapong mister. Sa ngayon ay maayos na muli ang kanilang pamilya, bagay na ikinasaya ng kanyang mga anak, lalong lalo na si Jocelyn.
Napapangiti na lamang siya kung maalala niya mga mapait nilang nakaraan. Payo niya sa kapwa Pinay, na kahit gaano man kabigat ang problema ay huwag silang bibitaw sa Panginoon. Si Jocelyn ay tubong Isabela at kasalukuyang naninilbihan sa Causeway Bay.- Marites Palma