Dahil puno na at siksikan na sa train, tumayo si Jay at ibinigay ang kanyang upuan sa babae na sa harap niya tumayo. Ngumiti lang ito ay nag-thank you sa kanya.
Maya-maya, isang Pinay na katabi niya ang matabil na nagsalita kay Jay na bakit daw niya pinaupo ang babaeng iyon. Sabi naman ni Jay, okay lang dahil malapit lang naman ang bababaan niya at kawawa naman ang matanda dahil maraming bitbit. Umismid pa ang Pinay na nagtanong kay Jay at sinabing wala naman daw utang na loob ang mga Intsik na yan.
Hindi na pinansin ni Jay ang mahaderang Pinay at tinalikuran niya ito. Nakahanap naman ng ibang kausap na umayon pa sa kanya ang isa pang Pinay. Kung ano-anong mga salita ang kanilang sinasabi tungkol sa mga Intsik.
Nagulat silang lahat nang biglang nagsalita ang akala nila Intsik na babae at sinabi sa kanilang mag-ingat sila sa mga pananalita nila dahil naiintindihan niya ang mga masasamang sinasabi ng mga ito. Pilipina pala ang matandang babae at binigyan sila ng leksyon sa kagandahang asal.
Tila namutla si ateng mahadera dahil hindi ito makakibo habang sinasabi ng matandang babae na hindi magandang ehemplo para sa mga Pinay ang kanilang ugali dahil nadadamay ang mga may mabubuting asal sa mga gaya nilang walang modo. Bago bumaba sa Causeway Bay Station ang matanda ay ngumiti at tinapik nito si Jay sa balikat at nagpasalamat muli sa kanya sabay irap sa dalawang mahaderang Pinay. –Jo Campos