Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Nahuli ni Elsa ang kiliti ng among sumpungin

28 November 2016

Sa mahigit isang taon na pagtatrabaho ni Elsa sa kanyang among intsik sa Kowloon City, kabisado na niya ang ugali ng kanyang among babae na medyo mahirap pakisamahan. Wala siyang naging problema sa among lalaki at maging sa anak na binatilyo.

Tuwing umaga ay nakikiramdam si Elsa kung ano ang magiging “mood” ng kanyang among babae. Minsan ay ang kanyang alaga na mismo ang nagbibigay babala kay Elsa kapag mainit ang ulo ng ina nito.

Kapag ganito na ang eksena sa bahay nila, agad na bubulong ang alaga niya nang, “Elsa, I smell trouble, be careful!” Dahil dito ay ingat na ingat na siya sa kanyang mga kilos dahil tiyak na siya na naman ang pagbubuntunan. Pero kahit anong ingat ang gawin niya, kapag ang asawa nito ang nagkamali o di kaya ay ang anak, si Elsa pa rin ang nakikita palagi.

Isang araw, habang naglilinis siya ng kusina ay bigla na lang sumigaw ang kanyang among babae at sinabing hindi naman daw dapat linisin araw araw ang kusina dahil marami pang ibang dapat gawin. Para hindi sila magtalo ay  itinigil ni Elsa ang paglilinis ng kusina at pumasok sa kanyang kuwarto para kunin ang isang papel na may listahan ng dapat niyang gawin sa araw araw.

Mula nang mag umpisa siyang magtrabaho sa pamilyang ito ay ang listahan na ito na ang sinusunod niya. Ang tawag nga nila ng kanyang alaga sa listahan ay “bible” dahil mismong ang binatilyo ay tutol sa pinaggagawa ng ina. Hawak ang “bible”, lumapit si Elsa sa nagpupuputak na amo at iniabot ang papel na pina-laminate pa niya para huwag masira. “Madam, here’s the bible, please read. If you want to change, please write a new one.”

Hindi alam ni Elsa kung imahinasyon lang niya ang nakita ngunit, sa tingin niya ay nagpigil ang amo na huwag matawa! Kinuha naman ng amo ang listahan at binasa, sabay tanong ng “you really follow this everyday?” Sagot naman ni Elsa, “yes Madam, because you said do what you tell me, so you will not be upset.”

Tumalikod ang amo at pumasok sa kanyang kuwarto.  Inaasahan ni Elsa na magagalit ito at baka iyon na ang huli niyang araw sa trabaho. Matapos ang isang oras ay lumabas ang amo, bitbit ang isang papel, kinabahan si Elsa dahil ang akala niya ay termination letter na ang iaabot sa kanya. Nang basahin niya ang papel, ang nakasulat ay, “Only one rule in the bible: Be happy, do your job well.”

Kahit hindi ngumiti ang among masungit, alam ni Elsa na nakuha na nito ang kiliti ng amo. Natuwa din ang kanyang alaga at sinabing pagpasensiyahan na niya ang ina nito. –Jo Campos

Don't Miss