Base sa takbo ng nadatnan niyang usapan ng dalawa ay matagal nang hindi napadaan ang babae kaya parang nanggigigil si Tatang habang hinahawakan ang mga braso ng babae. Nagtangka pa ang matanda na yumakap pero agad na umiwas ang babae.
Naiwan si Carmen at ang isa pang kostumer na lalaki sa tindahan at kahit wala naman nagtatanong ay ipinaliwanag ni Tatang na kababayan at kabiruan daw niya ang babae. “Kaya lang malapit nang walang asim,” dagdag pa ni Tatang kahit wala pa ring pumapansin sa kanya.
Asiwang-asiwa si Carmen kaya agad niyang binayaran ang binili sabay alis.
Pero dahil may nakalimutan siyang bilhin sa tindahang iyon ay bumalik si Carmen pagkatapos mabili ang lahat ng pakay sa loob ng palengke. Nang iabot niya ang bayad ay ganoon na lang ang gulat niya nang pahaplos munang hinawakan ni Tatang ang kanyang braso bago kinuha ang pera.
Gustong magalit ni Carmen pero ayaw niyang gumawa ng eksena kaya umalis na lang siya. Pinangako na lang niya sa sarili na hindi na muling bibili pa sa naturang tindahan. ——Gina N. Ordona