Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Hilig sa Zumba pinagmulan ng POWA

15 November 2016

Isang pagpapakita ng galing ng POWA ay ang panalo nila bilang Champion sa Maskara Festival na ginanap kamakailan sa Chater Road.

Ni Marites Palma

Umaani ng kaliwa’t kanang tagumpay ngayon ang grupong nabuo dahil sa pagkahumaling sa sayaw na zumba, ang Panay Overseas Workers Welfare Assocation.

Dati nang magkakakilala at magkakaibigan ang mga miyembro ng grupo kaya hindi na sila nahirapang makitungo sa bawat isa nang mapagkasunduan nilang itatag ang Powa noong ika-19 ng Agosto, 2015. Naging mas puspusan ang kanilang pagsasayaw ng zumba kaya kahit mga 20 pa lang ang mga miyembro noon ay unti-unti na silang napansin ng iba’t ibang lider sa komunidad ng mga Pilipino sa Hong Kong, at nagbigay-daan upang maimbitahan sila sa ib-ibang pasinaya.
Una silang nagpamalas ng kanilang husay sa sayaw sa taunang Flower Show sa Causeway Bay, kung saan ang malakas na palakpak sa kanila ng mga nanonood ay nagsilbing inspirasyon para lalo silang magsikap na gumanda ang kanilang pagtatanghal. Hindi naglaon ay naimbitahan silang makipagtunggali sa sayaw sa iba-ibang grupo.

Una silang sumabak sa Global Alliance Palarong Pinoy 2016, kung saan sila ang tinanghal na best in uniform. Nagpatuloy sila sa kanilang pagsasanay kaya noong Agosto 16 ng parehong taon ay sila na ang tinanghal na kampeon sa Maskara Festival.

Ayon sa kanilang president na si Lindy Paclibar, ibinuhos nila ang kanilang nalalaman sa  pagbuo ng kanilang sayaw, at pati na rin sa pagdisenyo ng kanilang kasuotan na hindi gumagastos nang malaki. Pinagsanib lang daw nila ang kanilang itinatagong galing kaya’t napagtagumpayan nila ang unang malaking kompetisyon na sinalihan nila. Nagbigay-daan din daw ito para maipakita nila sa mga taga Hong Kong na ang mga Pilipinong kasambahay na katulad nila ay may angking galing, lalo na pagdating sa larangan ng sayawan.
Ang sumunod na hamon na kanilang tinanggap ay ang makipagtunggali sa “Hataw sa Sayaw” na inorganisa ng kumpanyang Globe at CSL noong Abril 17. Sa pagkakataong ito ay nakuha nila ang tropeo at pera para sa pangalawang gantimpala.

Sa pinakahuling sinalihan nila, ang One Billion Rising na isinagawa ng Gabriela Hong Kong noong nakaraang buwan lang, ay muli nilang nasungkit ang pangalawang puwesto.

Sa ngayon ay palagian na silang lumalabas sa tanghalan ng Hong Kong Flower Show at sa Yuen Long Youth Festival.

Ayon kay Paclibar, kooperasyon at tunay na pakikisama ang susi ng kanilang tagumpay sa pakikipagtagisan ng galing sa pagsayaw. Hindi daw nagdalawang isip ang kanilang mga miyembro sa pag-aambag ambag ng pera noong bagong tatag pa lang sila para sa kanilang kasuotan at pamasaheng papunta  sa lugar na pagtatanghalan.

Mabuti na lang daw at simula noong nananalo na sila ay hindi na sila gumagamit ng sarili nilang pera. Ang natatanggap nilang mga premyo  ay kanilang inipon at ginawang pondo para ipambili ng kanilang mga pangangailangan tuwing may dadaluhan silang programa.

Dahil sa magandang ehemplo na ipinapakita nila sa kanilang mga kapwa OFW ay marami ang naengganyong sumapi sa grupo. Ayon kay Paclibar, umaabot na sa 50 ang bilang ng kanilang  mga miyembro ngayon.

May sinisingil daw na buwanang bayad mula sa mga miyembro, pero hindi nila ito ginagastos. Iniipon nila ang kontribusyon ng bawat miyembro, at ang sino mang magdesisyon nang umuwi sa Pilipinas ay binibigyan ng kanilang naipong pera, pero hindi lahat dahil ang ibang bahagi ng kanilang pondo ay ginagamit nilang pantulong sa mga miyembrong nasisisante nang biglaan. Mayroon ding plano ang grupo na isakatuparan na sa susunod na taon ang kanilang misyon na magkaroon ng feeding program at magbigay ng gamit sa paaralan sa mga batang kapus-palad sa kanilang lugar.
Ayon sa mga miyembro, lubos silang natutuwa dahil sa pagkakaroon nila ng grupo na tumatayo bilang pangalawang pamilya nila sa Hong Kong, maliban sa kanilang mga amo. Nabibigyan daw sila ng lakas tuwing may problema dahil napapayuhan sila, at mas nagkaroon sila ng kumpiyansa sa sarili, bukod pa sa naging palakaibigan. Damang-dama din nila na mas masaya ang buhay kung marami silang magkakaibigan na nagtuturingan bilang mga magkakapatid na may respeto at pagmamahal sa isa’t isa. Tuwing magkakasama sila ay nawawala daw ang kanilang pangungulila sa kanilang pamilya na naiwan sa Pilipinas.

Ang isa pang nagbibigkis sa lahat ay ang paniniwala nila sa kasabihang, “Isa para sa lahat, lahat para sa isa at walang tsismisan sa bawat isa”.

Bukod kay Paclibar, ang iba pang bumubuo sa Powa ay sina Leo Selomenio, founder; Diana Estrelian Juanillo, pangalawang pangulo;  Angeli Marie Meboot, kalihim; Mayflor Pirote, pangalawang kalihim; Sheryl Joy Jordanal, ingat-yaman;  Lyn Lorca, pangalawang ingat-yaman, Analisa Bretana, tagasuri; Marites Genoguin, pangalawang taga-suri; Marites Naron, tagapamalita; Diana Rose Soriano, Elsa Duran at Maria Luisa Jimenez; Ronalyn Bayo-Ang, Christhian Je-an Jallorina, Renaly Barruis, tagapamahala.

Sa ika-6 na Nobyembre ay idadaos nila ang kanilang unang taong anibersaryo sa Pier 7, kaya’t tinatawagan ni Paclibar ang sinumang nais dumalo at makiisa sa asosasyong ito ng mga taga Panay na tumawag sa kanya sa numero bilang 68272349 at 90114272.

Don't Miss