Umabot sa $50,000 ang naiabot ni Mona sa kaibigan, na wala man lang usapan ng tungkol sa interes. Asang-asa kasi siya na madali siyang mababayaran ni Mona sa kikitain nito sa Canada. Kahit daw buwan-buwan na lang nitong hulugan ang pera, hanggang mabayaran lahat ang kabuuuang halaga ng utang.
Masayang masaya ang magkaibigan nang lumabas na ang visa ni Mona, na abot-abot ang pangakong hindi nito kalilimutan ang kabaitan ng kaibigan. Naging punong-abala pa si Rosa sa paghahanda para sa huling salo-salo nila ni Mona at iba pa nilang kaibigan.
Nang matapos na ang unang buwan ni Mona sa Canada ay pinaalalahanan siya ni Rosa ng kanyang responsibilidad sa pagbabayad sa utang dahil kailangan na nilang umpisahan ang buwanang hulog. Laking pagkabigla ni Rosa nang sabihan siya ni Mona na bakit hindi man lang daw siya makapaghintay na maka-settle siya bago ito maningil.
Hindi alam ni Rosa dahil alam naman niyang may trabahong dinatnan si Mona sa Canada. Katunayan ay ipinagyayabang pa nito noon na kaunting parte lang ng sasahurin niya ang ipambabayad sa buwanang hulog sa pautangan.
Gayunpaman ay pinabayaan muna niya ang kaibigan, at muling inungkat ang pagbabayad pagkatapos ng isa pang buwan. Muli siyang nagulat dahil hindi lang hindi nagbayad si Mona, kundi ito pa ang nagalit na parang siya ang umutang dito. Kesyo bakit atat na atat daw siyang maningil at hindi iniintindi ang kalagayan nito sa Canada. Wala daw siyang kuwentang kaibigan dahil sinisingil na siya eh hindi pa nga siya tumatagal doon.
Sising sisi si Rosa at takang taka sa inasal ng dating kaibigan na itinuring pa naman niyang parang isang kapatid. Ngayon ay si Rosa ang nagbabayad ng perang hindi naman siya ang gumamit. Mabuti na lang at dalaga siya kaya walang asawa at anak na umaasa sa kanyang buwanang padala.
Sa kabila nito, naaawa at nahihiya siya sa kanyang mga magulang dahil hindi na niya mapadalhan ang mga ito ng pera. Sana daw ay ipinadala na lamang niya sa kanyang mga magulang para may maipahiram sa mga nagsasanla ng lupa, na siya naman pwede nilang pagkakitaan. O kaya naman ay siya na lang ang gumamit papuntang Canada.
Umaasa pa rin siyang babayaran siya sa balang araw ng talipandas na kaibigan, ngunit mahigpit ang pagpapayo sa mga kaibigan na huwag na huwag gayahin ang kanyang naging pagkakamali. Kung sa Hong Kong ay mahirap nang maghabol sa mga pinautang, lalo na kung sa Canada pa ito sisingilin. Si Rosa ay isang Bisaya, at kasalukuyang naninilbihan sa pamilyang Intsik sa Kowloon. – Marites Palma