Kataka-taka kung minsan ang mga aksiyon ng husgado ng Hong Kong na nasaksihan namin sa mga nakaraang kasong binantayan namin sa mga korte ng lungsod na ito.
Isa sa mga pumukaw sa aming isipan ay ang usapin ng piyansa.
Nag-iiwan ng malaking katanungan ang pagpayag mga tagapagsakdal na magpiyansa ang isang napagbintangan ng panggagahasa, at ang pagtanggi nilang bigyan ng ganitong karapatan ang isang katulong na diumano’y lumabag sa batas ng imigrasyon.
Kamakailan ay dalawang kaso ng “breach of condition of stay” na kinasasangkutan ng mga kasambahay na Pinay ang kinakitaan naming ng ganitong di-pantay na trato.
Ang dalawang nasangkot na katulong ay kapuwa nahuli diumano ng mga tauhan ng imigrasyon na nagtatrabaho sa tindahan ng kanilang mga amo.
Pagkaaresto pa lamang sa bawat isa sa kanila ay ipiniit na sila ng mga humuli at hindi pinayagang magpiyansa ng mga mahistrado batay sa rekomendasyon ng tagapagsakdal.
Kadalasan ang hindi pinapayagang makapag-piyansa ay ang mga nasasakdal sa mabigat na kaso, katulad ng pagpaslang o murder, at pagdadala ng malaking halaga ng bawal na gamot, o drug trafficking. Kabilang din dito ang mga taong ipinapalagay ng mga awtoridad na posibleng tumakas o uulit ng krimeng ibinibintang sa kanila.
Iyon marahil ang dahilan kung bakit tinanggihan ng korte na makapagpiyansa ang isang Aprikanong napagbin-tangang nagtangkang humalay sa tiyahin ng kanyang asawa sa Tuen Mun noong nakalipas na taon.
Gayunman, nitong mga nakalipas na buwan ay pinayagan ng pulisya at korte na magpiyansa ang dalawang local na among napagbintangang nanggahasa sa kanilang mga katulong na Pilipina.
Iisipin ng mga tao, lalo na ng mga dayuhang tulad natin, na hindi pantay-pantay ang pagpapatupad ng batas at hustisya sa Hong Kong. Kung ang mga dayuhang katulong na naakusahan ng paglabag sa mga alituntunin ng imigrasyon ay hindi pinapayagang magpiyansa samantalang ang mga among lalaki na napagbibintangang nanggahasa sa mga kapwa nila kasambahay ay pinapayagang magpiyansa.
Tulad ng marami pang mga batayang karapatan, ang karapatang makapagpiyansa ay hindi “absolute” o di nababago, ayon sa batas ng Hong Kong. Maaaring tumanggi ang pulisya at mga korte na payagang magpiyansa ang isang nasasakdal depende sa sitwasyon.
Halimbawa, kung may malaking posibilidad na guguluhin o pagbabantaan ng akusado ang mga testigo sa kaso ay tatanggi ang korte na payagan ang nasasakdal na magpiyansa.
Kapag hindi pumayag ang korte, maaari pa ring dumulog sa High Court ang isang nasasakdal at doon hihingi ng pahintulot. Ngunit puwedeng ding lumapit doon ang pulisya upang hadlangan iyon.
Sa dalawang kaso ng mga katulong na napagbintangan ng ilegal na pagtatrabaho, ang isa ay nahuli diumanong nagtatrabaho sa isang hotel na pag-aari ng amo sa Tsimshatsui, samantalang ang pangalawa ay nahuli namanag nagbebenta diumano ng pagkain sa isang taga-imigrasyon na nagpanggap na mamimili.
Ang dalawang katulong ay hindi pinagpiyansa at ikinulong nang ilang araw. Sa kaso ng isa, napansin ng isang huwes sa High Court ang di-pantay na trato sa katulong at sa amo, kung saan ang amo ay pinayagan magpiyansa samantalang ang kasambahay ay nakapiit. Pinayagan niyang makalaya ito ng pansmantala.
Sa kabutihang-palad, ang dalawang katulong ay nagkamit ng hustisya nang sila ay magkahiwalay na pinawalang-sala ng hukuman, parang pampalubag-loob pagkatapos ng masamang dinanas nila.