Noong una ay nahihiya pa siyang ipaalala sa amo ang kanyang sahod pero kalaunan ay naglakas-loob na siyang magsabi, lalo na kung halos isang linggo na itong atrasado.
Nitong nakaraang buwan ay laging abala ang kanyang mga amo at madalas ay gabing-gabi na kung umuwi ang mga ito. Sa umaga naman ay lagi silang nagmamadali sa pagpasok sa opisina kaya hindi siya makakuha ng tiyempo para ipaalala ang kanyang sahod.
Kaya noong dumating ang kanyang day-off ay sinadya niyang hintayin na magising ang amo bago umalis ng bahay. Nang makita siya ng amo ay nagtaka ito dahil nandoon pa siya kahit tanghali na. Sinabi niya na wala siyang pera at agad namang nag-alok ang amo na pahihiramin siya.
Nang iabot ng amo ang pera sa kanya ay tinanong nito kung kailan niya babayaran ang hiniram. “As soon as you give my salary,” sabi ni Hilda. Saka lang naalala ng amo na ilang araw na ang lumipas pagkatapos ng araw ng sahuran.
Natatawa itong pumasok sa kuwarto at nang muling lumabas ay dala-dala na ang buong halaga ng sahod ni Hilda.—Gina N. Ordona