Bukod sa nahihirapan siyang mag-adjust, ika nga, iba ang ugali ng bagong among Eurasian kesa sa dating amo niya na mga Australian. Ang akala ni Aida ay mas madali ang trabaho dito dahil wala siyang batang aalagaan, ngunit tila nagkamali siya dahil bukod sa napaka demanding ng bagong amo ay parang hindi sila magkakasundo.
Isang araw ay nadatnan ni Aida isang araw pag-uwi niya galing sa day off na may bagong tuta at kuting na sa bahay nila. May bago na siyang aalagaan. Wala namang problema sa kanya dahil mahilig naman si Aida sa hayop; yun nga lang, napakaraming kaartehan ang kanyang among babae pagdating sa pag-aalaga ng mga ito. Hindi na lang kumikibo si Aida at sinusunod na lang ang lahat ng utos dahil ayaw niyang magkaroon pa sila ng sagutan ng kanyang mataray na amo.
Si Nene naman ang kung tutuusin ay pinakamasuwerte sa amo, bukod sa malaki ang kanyang sahod sa mga Amerikanong amo, halos nalibot na niya ang mundo dahil kasama siya sa lahat ng holiday ng pamilyang kanyang pinagsisilbihan.
Nakatakda nang mag for good ang pamilya sa UK sa susunod na taon at gusto siyang isama ng mga ito, kaya lang, kung hindi siya makakuha ng working visa doon, malamang na maiwan siya dito sa Hong Kong. Ito ang pangamba ni Nene dahil alam niyang makahanap man siya ng bagong amo dito ay imposibleng makuha niya ang dating sahod niya.
Ito ang dahilan kung bakit nag-aral siya ng pagmamaneho ng sasakyan. Sakaling pumasa siya at makuha bilang lady driver ay malaki ang pag-asa na makakuha siya ng sweldo na malaki.
Ang kaibigan naman nilang si Mary ay may pangamba din sa nalalapit na pagreretiro ng kanyang amo dahil balaki nitong lumipat ng ibang bansa. Sampung taon din siyang nagtrabaho sa mag-asawang Australian at nakasanayan na niya ang mga ito na tinuring na rin siyang pamilya.
Nangangamba si Mary na maninibago siya sakaling lumipat siya ng ibang amo. Ang sabi naman sa kanya ng kanyang mga kaibigan, hindi siya mahihirapang maghanap ng bagong amo dahil napakasipag niya at magaling magluto.
Sa apat na magkakaibigan, si Jay naman ang may among walang balak mag for good dahil kahit retirado na ito ay hindi aalis ng Hong Kong. Ang matandang Briton ay 20 taon na niyang amo. Sa pagtatapos ng kanyang ika sampung kontrata, uuwi na si Jay sa Pilipinas.
May mga pangamba din siya na maninibago tiyak siya sa pamumuhay sa Pilipinas ngunit nakahanda siya dito dahil na rin sa matagal na siyang pinauuwi ng kanyang mga kapatid. Mahigit 30 taon na rin siya dito sa Hong Kong at gusto na rin niyang makasama ang kanyang pamilya.
Maraming mga pagbabago ang nakaamba sa kanilang magkakaibigan ngunit alam nilang makakaya nila ang mga ito dahil lahat sila ay may mga pangarap at magkakaiba man ito, alam nilang matutupad din nila ang mga ito. –Jo Campos