Simula ngayong Oktubre 15 ay bawal na sa mga amo sa Hong Kong na utusan ang kanilang mga katulong na Pilipina na linisin ang labas ng kanilang mga bintana.
Iniatas ng Philippine Overseas Labor Office sa mga employment agency sa Hong Kong na isama sa bawat kontratang paabrubahan sa POLO ang tinatawag na “Rinalyn Exclusion,” na nagliliban sa mga kasambahay sa paglilinis ng labas ng bintana.
Ang pagkamatay ng katulong na si Rinalyn Dulluog nang mahulog mula sa isang mataas na gusali sa Lohas Park noong Agosto 9 ang nagbunsod sa bagong patakarang malaon nang hinihiling ng mga 350,000 migranteng manggagawa rito.
Lubhang mapanganib ang paglilinis ng labas ng bintana sa mga tahanan sa Hong Kong na nasa matataas na gusali. Si Dulluog, halimbawa, ay nahulog mula sa ika-49 palapag habang nililinis diumano ang bintana ng bahay ng kanyang amo.
Sa kasalukuyang kontrata ng paggawa ng mga dayuhang katulong ay hindi pinagbabawal ang trabahong ito. Kaya ang puntirya ng bagong kautusang ipinadala ni Labor Attache Jalilo de la Torres sa mga ahensiya noong Oktubre 1 ay ituring itong kalabisan sa mga gawaing bahay na iaatas sa isang Pilipinang kasambahay.
Tila napilitang maglabas ng nasabing kautusan ang POLO matapos mabigo si Labor Secretary Silvestre Bello III na daanin sa pakikipag-usap kay Hong Kong Labour Secretary Matthew Cheung ang pagpapatupad sa ganoong pagbabawal.
Inuna ni Bello ang pakikipagpulong kay Cheung nang dumalaw siya sa Hong Kong noong Setyembre 23 hanggang 25, ngunit walang ibinungang kasunduan ukol sa nasabing usapin ang kanilang pag-uusap.
Noong nakaalis na si Bello sa Hong Kong ay saka pa lang nilinaw ni Cheung sa isang pagtitipon ng pamayanang lokal na hindi siya sang-ayon sa pagbabawal sa paglilinis ng mga katulong sa labas ng bintana.
Sinabi ni Cheung sa isang reporter na hindi madali ang pagpapatupad halimbawang ipagbawal ng gobyerno ng Hong Kong ang pagpapalinis ng labas ng bintana sa mga katulong. Kailangan ding pagmasdan ang praktikal na aspeto ng usaping iyon, aniya.
Samakatwid, ang panig lang ng Pilipinas ang magpapatupad sa pagbabawal sa nasabing gawain dahil hindi kinatigan ng Hong Kong and panukala. Ang ibig sabihin ay bahala ang ating gobyerno kung paano niya ipatutupad ang “window cleaning ban” dahil wala itong opisyal na pahintulot ng Hong Kong.
Mapapansin ito ng mga amo at walang makakapigil sa kanila na utusan ang kanilang mga katulong na linisin ang labas ng bintana. Sa kanilang pananaw, wala namang kapangyarihan ang POLO na parusahan ang isang among lalabag sa pagbabawal.
Ayon sa kalatas ni Labatt De la Torres sa mga ahensiya, sila ang magpapaliwanag at magpapaalala sa mga amo na ipuwera sa listahan ang mapanganib na gawaing nabanggit bago nila pirmahan ang kontrata sa trabaho.
Ang ibig sabihin niyan ay hindi tatanggapin ng POLO ang kontrata kapag hindi pumayag ang amo sa kautusang hindi niya paglinisin ng labas ng bintana ang kanyang katulong. Pumayag mang pumirma ang amo, hindi iyon garantiyang susunod siya sa pagbabawal.
Sa pananaw namin ay mahihirapan ang POLO na ipatupad ang pagbabawal dahil wala itong sapat na bilang ng tao upang bantayan o manmanan ang bawat isa sa mga pamilyang may mga katulong na Pilipino. Aasa lamang ito sa sumbong ng mga kasambahay na paglabag ng kanilang amo.
Maganda ang hakbang na isinagawa ni Labatt Dela Torre ukol sa usaping ito upang pangalagaan ang buhay ng mga kababayan nating kasambahay. Kailangan ang pakikiisa ng mga kasambahay upang ituro ang mga among lumalabag sa pagbabawal upang mapatawan sila ng karampatang parusa.