Noong Setyembre, bumagsak ang peso laban sa dolyar sa pinakamababang level nito sa nakaraang pitong taon, at ang ating stock market ayiniiwan na ng kapital mula sa ibang bansa: Mga balita na nagpapaalala sa atin na humihina ang ating ekonomiya.
Ang ekonomiya ay gaya ng report card ng mag-aaral. Kung maayos ang ginawa mo, tataas ang grado nito, ano man ang paninirang gawin ng iba sa iyo. Kung mali naman, babagsak ito kahit ano ang kuwentong ihabi mo upang pagtakpan ang iyong kapalpakan. Ito ang huwes na tunay, tinagurian ng philosopher na si Adam Smith na “invisible hand” — isang puwersang hindi nakikita na nagtutulak sa mga tao na makatulong sa lipunan nang hindi nila sinasadya, sa pamamagitan ng kani-kanilang pansariling kayod.
Ang mga OFW ay nakakaramdam na ng epekto ng panghihina ng peso: mas mura ngayon ang ibibabayad natin sa pagpapadala ng nakagawian nating halaga sa ating mga mahal sa buhay. Pero panandalian lang ang pagiging mura nito, dahil bukas makalawa ay tatawag sila upang sabihing kulang ang ating padala at hihingi ng dagdag.
Huwag nating kalimutan na ang halaga ng pera ay iba sa halaga ng nabibili nito, kaya nakakaranas tayo ng pagtaas ay pagbaba ng presyo. Kung mas marami ang pera kesa sa hinahabol nitong bilihin, bababa ito pera.
Ang stock market naman sa Pilipinas ay bumagsak sa 23 sunod-sunod na araw nong Setyembre. Kahit wala tayong pera sa stocks, apektado tayo ng galaw nito.
Ayon sa taga gubyerno, walang kinalaman dito ang pagmumura ni Pangulong Duterte sa USA, European Union at iba pang ka-alyansa ng Pilipinas. Sabi naman ng taga-stock market, ang pag-alis ng kapital sa Pilipinas ay nagpapakita ng pagkawala ng tiwala sa kakayahan ng Pilipinas na umasenso.
Para kay Alan Greenspan, isang economist na naging chairman ng Federal Reserve, ang tumatayong Central Bank ng Amerika, ang stock market ay dapat bantayan: “I don’t know where the stock market is going, but I will say this, that if it continues higher, this will do more to stimulate the economy than anything we’ve been talking about today or anything anybody else was talking about.”
Ano sa palagay mo?