Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Gabriela HK, pitong taon na

29 October 2016

Ni Gina N. Ordona

Matagumpay na idinaos ng Gabriela Hong Kong ang kanilang ika-7 anibersaryo sa kahabaan ng Chater road sa Central noong Okt. 2.

Nagkaroon ng paligsahan sa pagsayaw kung saan ang mga kalahok ay nagtagisan ng galing sa pag-indak sa saliw ng kantang pinasikat ng “One Billion Rising”, isang kampanya laban sa karahasan sa mga kababaihan at kabataan. Sa walong grupong sumali, kampeon ang Danza Filipina, pumangalawa ang Filipino Star Association at pangatlo ang Panay Overseas Workers Association.

Samantala, sa pamamagitan ng isang sulat na binasa ni Tess Aquino, ipinaabot ng pambansang pamunuan ng Gabriela ang pagbati at pagpupugay para sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kanilang sangay na grupo sa Hong Kong.

Hinikayat nito ang mga kasapi ng Gabriela HK na ipagpatuloy ang pagtataguyod ng karapatan ng mga kababaihan.

“Tungkulin natin bilang mga Gabriela na itaas ang pampulitikang kamalayan ng mga kababaihan at hikayatin silang maging aktibo sa usaping panlipunan upang sila mismo ay maging bahagi sa makabuluhang pagbabago sa ating bansa,” ayon sa sulat.

Naging panauhing pandangal sa programa si Dolores Balladares, pangulo ng United Filipinos – Migrante Hong Kong. Hinimok niya ang mga dumalo na lalo pang paigtingin ang pakikipaglaban para sa karapatan ng mga kababaihan.

“Nais po nating baguhin ang sistema na naglulugmok lalo sa kahirapan ang pang-aabuso sa mga kababaihan. Ang nais po natin ay magkaroon ng isang lipunan na kumikilala sa kakayanan at karapatan ng mga kababaihan bilang isang sector ng lipunan,” sabi ni Balladares.

Kabilang sa mga dumalo at nagpahayag ng suporta ay ang Association for the Advancement of Feminism, isang lokal na grupo ng mga kababaihan sa Hong Kong.

Bukod sa mga nanalong grupo, lumahok din sa paligsahan ang The Unity Association HK, Tinikling Group of Migrants, Migrante Ma On Shan, Migrante Cagayan at Women Dance Club.

Don't Miss