Limang taon makalipas ang mainit na usapin tungkol sa kung sino talaga ang ama ng ipinagbubuntis noon ng batang aktres na si Andi Eigenmann, ngayon ay nagkaroon na ito ng kasagutan. Kinumpirma ni Maxine Eigenmann, half sister ni Andi, na si Jake Ejercito ang tunay na ama ng anak ni Andi na si Ellie, nang banggitin niya ito sa programang Good Times With Mo Twister noong September 22.
Sa isang bahagi ng podcast, sinabi ni Max na hindi na siya naninibago sa away –bati nina Jake at Andi dahil dati na silang ganito, pero gusto pa rin niya ang dalawa bilang couple, at saka niya idinagdag na “ you know that he’s the father of my niece, right?” Sinagot ni Mo na alam niyang si Jake ang tumatayong non-biological father ni Ellie, pero iginiit ni Max na si Jake ang tunay na ama ng bata, batay daw sa test na isinagawa. Kaya nga daw co-parenting ang ginagawa ng dalawa, at kaya panay daw ang post ni Jake ng mga larawan ni Ellie sa social media. Hindi na raw nangailangan na ipaglaban pa ang visitation rights ni Jake dahil nakikita naman niya ang anak anumang oras o araw niya gusto.
Hindi in good terms ngayon ang dalawa, at kamakailan ay nagkasagutan pa sa Twitter, nang tinawag ni Jake na "fake” si Andi, na sinagot naman nito na “talentless” daw si Jake.
Ayon pa kay Max, isang taon nang may karelasyon si Andi ngayon, isang surfer, na kapatid ng kaibigan niya.
Sa ngayon ay wala pang komento o anumang reaksyon mula kina Andi at Jake, samantalang si Albie Casino, na lumabas na kontrabida dahil siya ang itinuturong ama ng ipinagbubuntis ni Andi noon, ay parang nabunutan na daw siya ng tinik sa dibdib. Nagpapasalamat daw siya dahil lumabas din ang katotohanan, at pati na sa mga taong naniwala at sumuporta sa kanya.
Naging masalimuot ang love life ni Andi noon dahil naging boyfriend niya si Albie nang mag-break sila ni Jake, at bago lumabas ang balita na buntis siya. Nagalit ang pamilya ng aktres, lalo na ang ama niyang si Mark Gil kay Albie, kaya napilitan itong mag-lie low at balikan ang pag-aaral. Pansamantala rin itong lumipat ng ibang network.
Sa ngayon ay unti-unti nang nakakabawi si Albie nang muli siyang kinuha ng Kapamilya network at at nagkakasunod-sunod na uli ang kanyang projects.
BONG, NAGDIWANG NG 50TH BIRTHDAY
Star studded ang 50th birthday party ni Bong Revilla na ginanap sa PNP Custodial Center noong September 23. Dinaluhan ito ng kanyang pamilya, sa pangunguna ng kanyang asawang si Lani Mercado at kanilang mga anak, mga kaibigan sa pulitika, kaibigan sa showbiz na sina Philip Salvador, Lorna Tolentino, Ricky Davao, Bayani Agbayani, Edu Manzano, Tirso Cruz III, Mayor Joseph Estrada, at anak nito at cellmate ni Bong na si Jinggoy Estrada, Mother Lily, Lolit Solis at sina Marco Sison at Mark Bautista na inimbitahang umawit ni Lolit.
Kasamang dumating ni Jolo Revilla si Jodi Sta. Maria, kaya kumpirmadong nagkabalikan na ang dalawa, matapos silang mag-break ilang buwan lang ang nakalipas. Ipinakilala naman kay Edu ng dating girlfriend ng anak niyang si Adi, (at pamangkin ni Bong) na si Cheska, ang bagong boyfriend nito, ang Kapuso actor na si Juancho Trivino.
Sa kayang maikling pananalita, sinabi ni Mayor Estrada na umaasa siyang makakalaya na rin sa lalong madaling panahon sina Bong at Jinggoy, na dalawang taon nang naka-piit.
Pinangakuan nina Mother Lily at ilang executives ng GMA Network na dumalo na bibigyan nila ng project si Bong kapag nakalaya na ito. Tapos na ang termino ni Bong at Jinggoy bilang mga senador.
DO RE MI, MAY REMAKE?
Nasa Pilipinas ngayon si Rachelle Ann Go, at kamakailan ay nag-post ng mga larawan kasama ang matalik na kaibigang sina Yeng Constantino at Sarah Geronimo, sa isang party na siya ang nag-host. Nilagyan niya ito ng caption na “Y.R.S. reunited,” na tumutukoy sa Y.R.S. segment nila sa ASAP noon. “Ang saya saya lang namen. Sobrang namiss namin ang isa't isa.” Idinagdag din niya: “DoReMi remake??? What you think? Hmmm. I love these ladies so much!"
Agad namang umani ng positibong feedback ang kanyang pagbibiro, dahil marami ang nagsabi na bagay daw sa kanila na gawin ang remake ng pelikulang “Do Re Mi” na malaking hit noon, at pinagbidahan nina Regine Velasquez, Mikee Cojuangco at Donna Cruz, 20 taon na ang nakakaraan.
Nauna nang naungkat ang muling paggawa ng Do Re Mi nitong Agosto matapos magkasama sa sina Regine at Donna noong July 30 para sa “PLDT Home The Regine Series Nationwide Tour” sa Cebu. Naging excited ang kanilang fans at humiling na gawan ng sequel ang Do Re Mi.
Tila seryosong pinag-aaralan ng Viva Entertainment na muling gawin ang pelikula dahil marami ang fans na humihing nito. Ang tanong lang ay kung sino ang gaganap na bida kung sakali. Si Sarah ay na-discover nang manalo siya sa “Star for A Night” singing contest noong 2002, noong 14 yrs old lang siya. Si Rachelle Ann ay nag-kampeon din sa “Search for a Star” noong 2004, at si Yeng ay tinanghal na unang kampeon sa Pinoy Dream Academy noong 2006. Nanatili ang kanilang pagkakaibigan kahit hindi na sila gaanong nagkikita, lalo na si Rachelle na nalinya bilang isang mahusay na international theater actress, at naka-base sa London.
JENNYLYN, WALANG ENTRY SA MMFF 2016
Nanghihinayang si Jennyln Mercado sa hindi niya pagtanggap sa pelikulang pagtatambalan sana nila ni Coco Martin, na isasali sana sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa taong ito. Sa nakalipas na dalawang taong sunod ay nahirang na best actress sa MMFF si Jennylyn, kaya umasa ang kanyang fans na muli siyang mapapanood sa taong ito. Napilitang tanggihan ni Jen ang pelikula dahil may nakalinya siyang gagawing teleserye sa GMA Network pero na-delay ito. Ang project na ito na adaptation ng Korean soap na My Love from the Star na pagtatambalan sana nila ni Alden Richards ay na-shelve dahil umalma ang mga AlDub fans na ang gusto ay si Maine Mendoza lang ang maging katambal nito.
Nagkaroon naman ng oras si Jen na makapag-focus sa paggawa ng bagong album, ang “Ultimate”, na produced ng Ivory Music. Ang carrier single nitong “Hagdan” ay nanguna agad sa iTunes hit list pagka-release nito. Inawit niya ito sa reality show na hino-host niya, ang Superstar Duets.
Dahil hindi gaanong abala, mas nagkakaroon siya ngayon ng oras sa kanyang anak na si Jazz, at sa kanyang love life sa piling ni Dennis Trillo.
FRANCINE, IKINASAL; RUFA MAE, SUSUNOD
Ikinasal na si Francine Prieto sa American molecular biologist na si Frank Shotkoski sa Isle of Capri sa Italy noong September 21.
Kahit may asawa na ay itutuloy pa rin daw ni Francine ang kanyang showbiz career, pero priority niya ngayon ang magkaanak na sila agad dahil 34 na daw siya. Balak nilang magpakasal ulit sa susunod na taon sa Denmark, kung saan naninirahan ang kanyang ama na isang Norwegian, upang makadalo ang mga kamag-anak niya sa father side.
Samantala, abala na rin si Rufa Mae Quinto, 38, sa nalalapit niyang kasal sa fiancé niyang si Trevor Magallanes, 29, na gaganapin sa Nobyembre 25. Isang beach wedding ang kanilang napili, at kabilang sa wedding entourage sina LJ Moreno-Alapag bilang matron of honor, at bridesmaids na sina Shalani Soledad- Romulo, Grace Lee at Camille Villar.
Si Rufa Mae ay apat na buwan nang buntis.
Ilan sa mga celebrities na ikinasal din sa taong ito ay sina Vic Sotto at Pauleen Luna, Nyoy Volante at Mikkie Bradshaw, Georgina Wilson, Solenn Heussaff, Cristalle Belo at Isabel Daza sa kani-kanilang foreigner husbands.
Sa susunod na taon ay ikakasal din sina Gwen Zamora at Jeremy Marquez, Kaye Abad at Paul Jake Castillo, at Camille Prats at VJ Yambao.