Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Tunay na kulay

20 September 2016

Mag-iisang taon at kalahati nang nagtatrabaho si Rosa sa kanyang among Koreana, pero halos hilahin na niya ang mga araw para matapos na ang kanyang kontrata dito.

Noong una ay maayos naman ang kanyang kalagayan sa amo dahil may kasama siyang kapwa Pinay sa bahay at magaan naman ang kanilang trabaho. Hindi rin sila nagkaroon ng ano mang problema ng kanyang kasama.

Kalaunan ay tila dumarami na ang mga utos at pinagagawa sa kanila ng kanilang amo. Nagiging masungit na rin ito ay maramot sa pagkain. Kung minsan ay sila na ang bumibili ng kanilang ulam dahil tira-tirahang ulam lang ang kanilang kinakain.

Mag-asawang may apat na anak ang kanilang pinagsisilbihan at may alaga din silang aso. Minsan ay dumating ang mga magulang ng kanyang amo mula sa Korea at buong akala ni Rosa ay nagbabakasyon lang ang mga ito. Ngunit nang dumaan ang maraming buwan ay napagtanto ni Rosa na doon na rin titira ang dalawang matanda. Sa ngayon ay walong tao na ang kanilang pinagluluto at pinagsisilbihan.

Bukod sa walang pahinga maghapon sa trabahong bahay, halos makuba si Rosa at ang kasama sa dami ng pinamimili sa palengke dahil kada tatlong araw sila namamalengke, at kadalasan ay maraming mabibigat na gulay at prutas silang dala. Nakakadagdag din sa kanilang paghihirap ang mataas na daan paakyat sa bahay ng amo sa Bonham Road mula sa palengke ng Sai Ying Pun.

Ang mas nakakainis ayon kay Rosa ay pinaghihinalaan pa siyang nagpa-part time ng kanyang amo dahil umano napakatagal nitong bumalik mula sa pamamalengke. Ilang ulit na ring sinabi ni Rosa sa kanyang amo na malayo ang nilalakad niya pataas at mabigat ang hila niyang trolley pauwi, ngunit sigaw lang ang kanyang napapala sa among masungit.

Madalas sa kanilang pag-uusap ng kanyang kasama ay nababanggit nila na lumabas na ang tunay na masamang ugali ng kanilang amo. Bukod sa trabahong bahay, inuutusan din ang kasamahan niyang Pinay na si Nona na magdeliver ng mga paninda ng kanilang mga amo. Alam nilang bawal ang inuutos ng kanilang amo ngunit hindi sila makapagreklamo dahil tiyak na magagalit lang sa kanila ang bruhang amo at baka mapag-initan na naman sila.

Ang inaalala ni Rosa, matatapos na ang kontrata ni Nona sa susunod na buwan at hindi niya alam kung paano niya makakaya ang lahat ng trabaho sa bahay kapag mag-isa na lang siya. Tila walang balak na kumuha ng bagong katulong ang kanyang amo pag-alis ni Nona.

Nag-iisip ngayon si Rosa na huwag nang tapusin ang kanyang kontrata dahil parang di na kaya ng kanyang katawan ang hirap ng trabaho. Ika nga ni Rosa, bahala na kung mahirapan siyang humanap ng amo kapag nag-break contract siya kesa naman sa mamatay siya sa hirap sa malupit na amo. –Jo Campos

Don't Miss