Sumama ang loob nang bilhan ng uniporme
02 September 2016
Halos ayaw nang tapusin ni Maria ang paglabas ng mga gamit nang may nahagip ang kanyang mga mata sa loob ng maleta. Kagagaling lang ng kanyang Pinay na amo sa Maynila at may mga binili itong uniporme ng kasambahay. Walang imik na inilapag ni Maria ang iba-ibang kulay na uniporme sa isang tabi. Maya-maya pa sa kaswal na sinabi ng amo na para sa kanya ang mga damit. Walang katagang lumabas sa mga bibig ni Maria dahil parang kinukurot ang kanyang puso. Pangalawang kontrata na niya sa kanyang amo at hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lang siyang pasusuutin ng umiporme. Gayunpaman, hindi naman daw diretsahang sinabi ng amo na isuot niya ang mga ito kaya hindi niya ginagamit. Hihintayin daw niyang sabihan siya ng kanyang amo at kung sakali ay aamin siyang ayaw niya itong isuot. Kapag isinuot daw kasi niya ito ay lalong bababa ng pagpapahalaga niya sa sarili. Alam naman daw niya kung saan ilagay ang sarili kaya hindi na daw dapat ipangalandakan ng kanyang amo na katulong siya sa pamamagitan ng pagsuot ng uniporme. Bago siya lumipat sa kasalukuyang amo ni Maria ay nagtrabaho siya sa isang pamilyang Amerikano at parang kapamilya kung ituring siya ng mga ito. Ang ipinagmamaktol ni Maria, sa kapwa pa daw niya Pinay mararanasan ang kakaibang pagtrato sa kanya bilang isang kasambahay. —Gina N. Ordona