Madalas mapansin ni Gemma ang mga kapwa Pinay na laging nakatutok ang mga mata sa kanilang mga cellphone kahit sa gitna ng paglalakad sa kalye.
May isang pagkakataon pa na nagulat siya nang biglang nagsisigaw at nagalit ang isang driver ng mini bus nang muntik na nitong mabundol ang isang Pinay na abalang-abala sa pakikipag-video chat sa kanyang cellphone. Mabuti na lang at mabilis na nakapagpreno ang driver kaya hindi tinamaan ang Pinay. Nang makita at marinig ang pagtutungayaw ng driver na Intsik ay parang nainis pa at nagtaka ang Pinay.
Isa lang ito sa mga naobserbahan ni Gemma sa mga nakikita niya sa kalye.
Karaniwan na ang mga kapwa niya Pinay ay abala sa kanilang mga cellphone, at di alintana ang mga panganib na pwedeng mangyari dahil sa kanilang kapabayaan. Minsan naman ay isang nakakatawang eksena ang nakita ni Gemma.
May isang Pinay na nakasabay niyang bumili ng alimasag sa palengke, at ang dami nang bitbit na pinamili, nguni’t hindi ito naging hadlang upang magpatuloy ito sa pakikipag telebabad. Bitbit ang mga supot na pinamili sa isang kamay, at ang supot ng bigas at mga alimasag sa kabila.
Habang pababa sila sa escalator ng palengke ay napansin ni Gemma na hindi namamalayan ng Pinay na nabutas na pala ng matutulis na bahagi ng alimasag ang kanyang supot ng bigas. Natatawang pinagmasdan ni Gemma ang pagkakalat ng bigas sa daan ngunit hindi na rin siya nakatiis at kinalabit ang kababayan sabay sabing, “Ate, lagot ka sa amo mo, wala kayong isasaing mamaya.”
Tila natauhan ang Pinay at napakamot ng ulo dahil sabi nito kay Gemma, mag-aabono pa siya sa nasayang na bigas. Pabirong sinabi ni Gemma sa kababayan ang, “Sige lang Ate, cellphone pa more!”. Sa isip niya, ang bigas na natapon ay pwedeng palitan pero hindi ang buhay o kaligtasan kung sakaling mapahamak sa daan dahil sa pagtetelebabad. –Jo Campos