Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Perhuwisyo, kapalit ng murang air ticket

25 September 2016

Sobrang pagkayamot ang naramdaman ni Jean nang pabalik na siya sa Hong Kong matapos ang kanyang bakasyon sa Pilipinas. Delayed ang kanyang domestic flight ng dalawang oras, na ang dating na 11:40 ng umaga mula Davao hanggang Maynila ay naging 1:40 na ng hapon. Pagkatapos ng paghangos niya para hindi maiwan sa kanyang 3:40pm na flight papuntang Hong Kong ay nalaman niyang delayed din ito.

Inabot siya ng 8:00pm sa NAIA bago nakalipad ang eroplano. Pagdating sa  Hong Kong Airport ay lalo siyang nagngitngit sa galit dahil nawawala ang kanyang mga bagahe, lalo at naroon pa naman ang kanyang mga gamot. Nag-email siya kaagad sa airline na kanyang sinakyan at sinabing pananagutin sila kung may masamang mangyari sa kanya dahil naroon sa maleta niyang nawawala ang mga gamot niya.

Tiyempo namang paalis din papuntang Dubai ang kanyang kapatid, at napag-alaman niya mula dito na naroon pa sa transfer desk ang kanyang maleta.

Agad na inireklamo ito ng kanyang kapatid, kaya dali-daling nahila ang kanyang mga bagahe at naisakay sa sumunod na flight. Ngunit inabot pa ng halos dalawang araw bago ito nakarating sa kanya.

Sabado ng gabi nang siya ay makarating sa Hong Kong, Lunes na nang gabi nang madala sa kanya ang kanyang bagahe. Wala namang nasira sa kanyang mga dala at walang nawala, ngunit ang isang kasabay niyang umalis ay inabot pa ng Huwebes bago nakuha ang naiwanan ding bagahe. Napanis na lahat ang mga dala nitong pagkain na pampasalubong sana sa mga kaibigan, nawala pa ang ibang mahahalaga niyang gamit.

Sa naranasang imbyerna ni Jean ay ipinangako niya sa sarili na hindi na ulit sasakay sa airline na iyon na lagi na lang maraming napapabalitang kapalpakan ngayon. Ang kaibigan daw niya kasi ang nag-book para sa kanya at dahil mura ay sumang-ayon siya. Hindi naman niya alam na napakalaking perhuwisyo ang aabutin niya dahil lang sa paghahabol sa murang tiket.

Naalala din niya na mabuti at naisipan niyang magpamasahe sumandali sa airport bago lumipad kaya umayos ang kanyang pakiramdam, kundi ay baka inatake siya ng karamdaman samantalang wala siyang dalang gamot para dito. Si Jean ay dalaga at tubong Davao. – Marites Palma

Don't Miss