Naghabol ng mura papuntang Canada, na-scam tuloy
07 September 2016
Hindi alam ni Nancy ang kanyang gagawin dahil naglaho ang taong binayaran niya ng $15,000 sa pag-asang mabibigyan siya ng trabaho sa Canada. Hindi lang ang malaking pera na ibinayad niya ang problema, kundi ang mga haka-hakang ipinakalat ng ilang kamag-anak na ibinulsa lang niya ang pera. Ayon kay Nancy, ang pera ay nanggaling sa kanyang tiya na nagpalaki at nagpaaral sa kanya. Nang swertihin itong makarating sa Canada ay hindi nito tinigilan si Nancy na sumunod na sa kanya. Walang kaso daw ang ibabayad niya sa placement agency sa Hong Kong, basta makarating lang siya doon para magkasama sila. Sa kagustuhang makatipid ay nagdesisyon si Nancy na iyong nabalitaan niyang nagpapaalis pa-Canada sa halagang $15,000 lamang ang lapitan niya. Alam niya kasi na iyong ibang ahensya ay umaabot ng lampas $45,000 ang singil. Hindi naman niya akalain na wala naman palang trabahong naghihintay sa kanya doon, at bigla na lang maglalaho ang may-ari nito, habang tinutugis ng daan-daan na aplikanteng katulad niya. Hiya at takot ang nanaig sa kanya kaya hindi niya agad ipinaalam sa kanyang tiya ang kinahitnan ng kanyang aplikasyon. Dahil dito ay napaniwala din ang kanyang tiya na niloko lang niya ito. Sabi naman ni Nancy, kung ibinulsa niya ang pera, bakit hanggang ngayon ay giray-giray pa rin ang bahay nila sa Iloilo? Pinagsabihan na lang siya ng isang kinunsulta niya sa kanyang problema na umamin na sa kanyang tiya nang matapos na ang gulo. Tutal naman, nagsampa na siya ng kaso laban sa may-ari ng agency, at umaasa siyang maibalik pa rin ang perang ibinigay sa kanya ng kanyang tiya. Sabi ng kausap niya, walang katumbas ang pagsasabi ng tapat. - DCLM