Ni Gina N. Ordona
Dati nang matunog ang Kennedy Town sa mga Pinoy sa Hong Kong dahil nandito ang Bayanihan Center, na madalas na puntahan lalo na sa araw ng Linggo dahil sa iba-ibang pagtitipon ng mga organisasyon. Dito rin isinasagawa tuwing ikatatlong taon ang overseas voting ng mga Pilipino.
Ngunit ngayon, marami nang dahilan para magsadya sa Kennedy Town. Simula kasi nang magkaroon ng MTR dito, halos dalawang taon na ang nakalipas, ay marami na ang nagbago sa dating tahimik na distrito. Isang patunay na kaakibat ng tiyak na pag-unlad ang pagkakaroon ng maayos na transportasyon.
Kasabay nito ay maraming kabataan, mga bagong pamilya o dayuhan ang nahikayat na manirahan dito. Maging ang pangalan ng lugar ay naging makabago dahil at unti-unti na itong nakikilala bilang K-Town.
Sa loob ng maiksing panahon ay parang mga kabute na umusbong ang maraming kainan sa buong paligid ng K-Town. Kahit saang kanto ay nakahilera ang mga restawran na nag-aalok ng iba-ibang klase ng pagkain. Sa dami ng mapagpipilian ay siguradong makaakahanap ng akma sa panlasa.
Ngunit bago pa man tuluyang sakupin ng pagbabago ang K-Town, magandang dalawin ang ilan sa mga lugar na naging tahimik na saksi sa pag-unlad nito sa pag-usad ng panahon.
Bagamat maraming restawran ang naglipana, huwag palalampasin ang pagkakataon na makipagsabayan sa mga lokal na residenteng kumakain ng dim sum sa Sun Hing restaurant na nasa Smithfield road sa pagitan ng Catchick at Belcher road. Ang Sun Hing ay isa sa mga makalumang dim sum restaurant na natitira dito sa Hong Kong.
Maliit at masikip ang loob ang nabanggit na restawan kaya asahan na makipagsiksikan sa ibang parokyano habang kumakain. Walang Ingles na nakasulat sa karatula bilang pagkakilanlan ng restawran pero madali itong matagpuan dahil maraming parokyano ang matiyagang pumipila sa labas habang naghihintay na makapasok. Bukas ito mula alas-3 ng madaling araw hanggang alas-4 ng hapon.
Panay dim sum ang pagkain dito at ang mga tagasilbi ay hindi nakakaintindi ng Ingles pero huwag mag-alala dahil maari namang ituro lang kung ano ang magugustuhan. Maari ding kumuha ng order sa mga umiikot na tagasilbi na may dalang tray. Pero kung hindi pa rin sigurado sa gusto, tumingin lang sa mga kalapit mesa at baka maaring gayahin na lang ang kanilang order. Huwag kalilimutan na mag-order ng egg custard bun o lai wong bao dahil marami ang nagsasabi na dito daw matitikman ang “pinaka-best” sa Hong Kong.
Sa mga mahilig inaabot ng madaling araw sa pagliliwaliw, maaring puntahan ang maliit na fast good sa Belcher’s Street na ang pangalan ay Hor Hor Deem. Marami ang kumakain dito ng bandang hatinggabi o madaling araw. Sa parehong kalsada ay makikita naman ang Juk Gwun Ho, kung saan ang paboritong order ng marami ay ang kanilang umuusok na lugaw, na tinernuhan ng sariwang isda o karne.
Dito sa K-Town ay makikita ang maraming kainan na kayang-kaya ng bulsa, bagamat marami na rin ang naggandahan na restaurant na may karampatang presyo ang halaga ng mga sinisilbing pagkain.
Sa pagpapatuloy ng pamamasyal, maglakad lang ng ilang kanto mula sa Sun Hing at mararating na ang tabing-dagat. Aliwin ang sarili sa panonood sa mga nakahilerang namimingwit o sa mga lantsa na dumadaan, kung hindi man ay baybayin ang tabing dagat at mamangha sa magandang tanawin.
Dito ay maraming mga kainan na European ang pagkaing sinisilbi, magmula sa French, Italian o Spanish. Karamihan ito ay nasa mga kalsada malapit sa tabing-dagat, katulad ng Davis at Catchick streets.
Pero kung talagang kaakit-akit na tanawin ang nais makita, bitbitin ang kamera o selfie stick at sadyain ang nakatagong hiyas sa K-Town, ang Sai Wan swimming shed.
Maaring sumakay ng bus no. 1 at bumaba sa Jockey Club Hostel bus stop pero para sa dagdag ehersisyo, ihanda ang sarili sa mahabang lakaran. Tahakin ang Victoria Road papunta sa direksyon ng Bayanihan at lampasan pa ito hanggang marating ang nabanggit na bus stop. Sundan ang hagdan pababa sa tabing dagat hanggang marating ang destinasyon.
Tunay na nakatagong ganda ang tanawin dito. May kahoy na tulay na nagsisilbing daungan ng mga malalakas ang loob na lumangoy o maligo sa sulfur channel. Meron ding kubol dito na gawa sa yero at napipinturahan ng berde. Sa loob nito ay may nakatalagang bihisan ng mga lalaki at babae. Meron din itong nakatalagang lugar para pag-iwanan ng mga personal na gamit ng mga naliligo.
Ang Sai Wan swimming shed ay ang siyang tanging natira sa mga swimming shed na ginawa daw noong 1950’s. Wala pa raw swimming pool ng mga panahong iyon kaya nagpagawa ng mga swimming shed ang gobyerno sa ibat-ibang distrito ng Hong Kong.
Ngayon, may mangilan-ilan pa ring residente na lumalangoy lalo na sa umaga, at mga dumarayong litratista lalo na sa dapit hapon, para makunan ang paglubog ng araw at ang paghampas ng malakas na alon sa maalalaking bato.
Marami din ang sadyang pumupunta lang sa lugar para kumuha ng litrato o mag-selfie habang nakatayo sa tulay. Kung sakaling pumunta sa dapithapon ay maaring maghintay ng matagal sa pila bago makatayo sa tulay.
Walang tindahan na malapit dito kaya huwag kaliligtaan na magdala ng inumin na kakailanganin matapos akyatin ang matarik na hagdan pabalik sa sakayan ng bus.