Huli na nang malaman niyang wala talagang naghihintay na trabaho sa kanya sa Canada, at ang recruiter na kumumbinsi sa kanya at tumanggap ng kanyang pera ay nagtatago na. Gustong-gusto man niyang pumunta sa pagdinig ng kaso ay hindi niya makuhang magpaalam sa kanyang amo. Sa bandang huli ay nasabi din niya na may kukunin lang siyang gamot mula sa isang kababayan.
Napapayag naman ang kanyang masungit na amo sa kundisyon na ihahatid muna niya ang kanyang alaga sa eskwela. Ang siste e alas nuwebe ang takdang pagdinig, nguni’t bandang alas otso y medya na nang maihatid niya ang bata. Pasakay pa lang siya ng MTR mula sa Kwun Tong nang sabihan siya ng isang kasama na huwag siyang magpapahuli at baka ibasura ang kanyang kaso.
Sa sinabing iyon ay tarantang kumaripas na ng takbo si Ana. Halos liparin niya ang korte mula sa istasyon ng MTR sa Wanchai dahil ayaw niyang mabalewala ang lahat ng pinaghirapan niya ng ilang araw, at para din mabawi ang malaking halaga na inutang pa niya sa kanyang tiya.
Natanggal na’t lahat ang strap ng kanyang sandals, at di iilang tao ang nasagi niya sa daan, nguni’t hindi pa rin siya tumigil. Pagdating niya sa korte na putlang putla at gulo-gulo ang buhok ay nadatnan niya ang isang kaibigan na swerteng nabigyan ng basbas ng korte na tumayo bilang kinatawan niya.
Sinenyasan siyang huwag na munang magsalita at baka mapagalitan silang lahat dahil nahuli siya nang dating. Ngunit maigi na lang din na nandoon siya dahil nakatulong siya sa pagpapakopya ng dokumento, at narinig niya ang matamis na utos ng hukom na ibalik ng palalong rekruter ang kanyang pera.
Si Ana, 29, ay dating nagtrabaho sa Kuwait at mahigit isang taon pa lang sa kanyang amo sa Hong Kong. --- DCLM