Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

It pays to be honest -- sobra-sobra

25 September 2016

May 24 taon na ang nakakaraan nang dumating sa buhay ng isang mag-asawang Pilipino na kasambahay ang pinakamahigpit na pagsubok sa kanilang katapatan. Nakatanggap sila ng tawag sa kanilang panganay na anak noon na nasa Pilipinas, na nagsabing nakakita ito isang brown envelope na may lamang pera sa nakatagong bulsa ng isang winter coat na bigay ng kanilang among Intsik, na siya namang ipinadala nila sa pamamagitan ng door-to-door. Ang kabuuang halaga ng mga dolyar na nasa envelope ay umaabot ngPhp1 milyon.

Nagtaka ang mag-asawa dahil wala silang alam tungkol sa nasabing pera, at pinagbilinan ang anak na itago muna ito dahil malapit na silang magbakasyong mag-asawa. Ang kanilang mga amo ay nauna nang nagbakasyon noon kaya hindi nila matanong tungkol sa pera.

Pagdating ng mag-asawa sa Pilipinas ay napaisip sila kung ano ang gagawin sa pera na alam nilang hindi na natatandaan ng mga amo. Agad naman silang nagkasundo na ibalik ang pera. Pagkatapos ng kanilang bakasyon ay dinala nila pabalik sa Hong Kong ang pera, na sa dami ay pinagsisiksik nila sa kanilang mga suot na rubber shoes at sa kanilang mga damit.

Pagdating ng mga amo ay hindi makapaniwala ang mga ito na ibabalik ng kanilang mga kasambahay ang pera na wala na sa isip nila. Akala daw nila ay naubos na nilang lahat ang dolyar na dala-dala nila nung magbiyahe sila noon. Puring-puri ng mga amo ang dalawa, at sinabing kakaiba ang mag-asawa sa katapatan, at hindi daw sila nagkamali na pirmahan sila bilang kasambaahy.

Dahil sa nangyari ay naging lubos na malugod ang mga amo sa mag-asawa, at bumuhos ang biyaya sa kanilang pamilya. Pinapupunta ang mga anak nila dito sa Hong Kong tuwing nakakatapos ng pag-aaral at pinatitira ng libre sa kanilang tahanan, at may pakimkim pang pera para sa pamamasyal, pagkain at shopping. Tuwing magbabakasyon naman ang mag-asawa sa Pilipinas ay binibigyan sila ng mga amo ng Php50,000 na panggastos, bukod pa sa libreng tiket pauwi taon-taon.

Tinulungan din silang makapagpatayo ng napakagandang bahay sa kanilang bayan, at dinagdagan ang perang pambili nila ng sasakyan para may magamit sila tuwing sila ay nagbabakasyon.

Nang mamatay ang nanay ni Ate ay nagbigay ng tumataginting na H$50,000 ang amo para sa pagpapalibing. Ibinigay na din ang kalahati ng kanilang long service pay na malaki-laki din dahil si Ate ay 28 taon nang naninilbihan sa kanila noon, samantalang si Kuya ay 24 taon naman.

Naging masuwerte din sila sa kanilang tatlong anak dahil nakapagtapos ang mga ito at may magandang trabaho at kanya-kanyang pamilya na. Maari na sanang mag “for good” ang mag-asawa dahil ang kanilang nag-iisang alaga ay may sarili na ring pamilya ngunit hindi nila maiwan-iwan ang super bait nilang mga amo.

Abot-abot ang kanilang pasasalamat sa Diyos sa mga biyayang natanggap nila kaya inilaan nila ang oras ng kanilang pahinga sa simbahan kung saan may may katungkulan na sila, at masayang tumutulong sa  kanilang mga kapatid sa pananampalataya. May pinamumunuan din silang asosasyon na ang pangunahing layunin ay ang tumulong sa mga nangangailangan sa buhay na pinagkaitan ng biyaya sa Pilipinas.

Kaya ang payo nina Ate at Kuya ay, laging maging matapat kahit gaano kahirap ang buhay, at tiyak na bubuhos ang biyaya sa iyong pamilya. Sa maliit at malaking halaga ay laging ipakita ang katapatan. Sa ngayon ay nananatili sa Hong Kong ang dalawa dahil masaya pa raw sila sa kanilang paninilbihan at kaya pa nilang magtrabaho. Sina Ate at Kuya ay tubong Pangasinan at naninilbihan pa rin sa kanilang mabait na mga among taga Tuen Mun – Marites Palma



Don't Miss