Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

‘Isabelino Ako’ – Serbisyong mula sa puso

06 September 2016

Isa sa proyekto ng Isabelino Ako-Hong Kong Chapter na ginanap sa Tumauini, Isabela.

Ni Marites Palma

Ang pagsibol ng Facebook ay nagbunga ng pagkatatag ng maraming mga asosasyon, gaya ng Isabelino Ako-Hong Kong Chapter, na pinangungunahan ni Rachelle Angobong.
Naumpisahan ang grupo nang umanib ito dalawang taon na ang nakakaraan sa Facebook page ng Isabelino Ako, na naglalayong mapagbuklod ang mga Isabelinos na nasa iba’t ibang panig ng mundo. Magmula nang maitatag ito ni Arcangel Fernandez 10 taon na ang nakakaraan ay mahigit 1.2 milyon na ang mga Isabelinos na kasapi nito sa iba-ibang bansa, na ang karamihan ay mga overseas Filipino workers. May 13 chapter na itong kaanib, na binubuo ng mga OFW mula sa Middle East, Europe at Asia.
Alinsunod sa nasimulan ng kanilang punong grupo ay kawanggawa ang agad tinutukan ng Hong Kong chapter. Sa kanilang ginawang pagdiriwang ng kanilang ika-dalawang taong anibersaryo noong Agosto 17 sa Repulse Bay, ay nakalikom ang grupo ng $1,600 at Php4,150 para sa mga maysakit na kanilang tinutulungan
Dahil sa kanilang magandang adhikain ay marami ang agad na sumali sa kanila, at ngayon ay may135 na silang miyembro.
Kamakailan lamang ay naging sponsor ang Hong Kong chapter sa isang outreach mission na isinagawa ng Isabelino Ako sa isang liblib na barangay, ang Dy-Abra Tunauini. Kabilang sa serbisyong ibinahagi sa mga residente dito ay medical/dental care, feeding program, libreng gupit, regalo at pati papremyo sa palaro.
Mabilis ang pagtalima ng mga miyembro sa ganitong proyekto dahil sa ganitong paraan pumailanlang ang kanilang pangkalahatang grupo.
Hindi sadyang nabuo ang grupo noong taong 2010, nang mawasak ang maraming bayan sa Isabela dahil sa isang matinding bagyo. Naisipan ni Fernandez na i-upload ang mga larawan ng trahedya sa Facebook sa pamamagitan ng isang video slide, na agad-agad na nag-viral. Dinagsa ng mga mensahe na nagpapaabot ng pagtulong si Fernandez na sa kalaunan ay binansagang Papa Niko. Bagamat nag-aalangan siya sa umpisa na tanggapin ang alok na tulong ay nanaig kay Fernandez ang pagnanasa na maipaabot agad ito sa mga nasalanta. Sa maikling panahon ay nakilala siya sa ginawa niyang pag-aabot ng tulong mula sa mga Isabelino sa iba-ibang lugar, at ayon sa kanya, hinding hindi niya sisirain ang pagtitiwalang ibinigay sa kanya ng mga kababayan.
Mula noon ay nagsagawa na siya ng regular na outreach o pagtulong sa kanilang bayan. Sa nagdaang dekada ay 22 misyon na ng pagtulong na ang kanilang naisagawa. Ang panghuli ay suportado ng Lebanon chapter, samantalang ang susunod na planong isagawa para sa bayan ng Palanan ay ang Malaysia chapter naman ang taya.
Ayon kay Francisco Kiko Pardinez, ang nakatalagang Pangulo Internasyonal ng pangkalahatang organisasyon, isinusulong nila ang  pagkakaroon ng outreach sa probinsya ng Isabela dahil masarap sa pakiramdam ang makatulong sa maliit na paraan sa mga mamayang napagkaitan ng sagana sa buhay.
Hindi naman palaging sila ang namimigay ng tulong, ayon kay Pardinez. Sa kanilang pinakahuling misyon ay inabot daw sila ng napakalakas na bagyo sa bayan ng Dinapigue na nasa tabing dagat. Dahil sa unos ay napilitan silang manatili doon ng 10 araw, imbes na tatlo lang sana. Nang mag-umpisa nang kapusin ang kanilang budget ay araw araw daw silang binibigyan ng gulay ng mga volunteer nila doon para may maiulam sila. Pinatira naman sila sa bahay ng isang miyembro na nakaanib sa UK chapter.
Ang isa pang nakakaaliw na kuwento niya ay ang pagkabuo ng isang sanggol habang stranded sila sa Dinapigue. Ang isa daw nilang volunteer na kasama ang kanyang mister sa misyon ay nalamang buntis siya pag-uwi sa kanilang bahay. Dahil dito ay naging biro daw sa kanilang grupo na ang kanilang anak ay gawa sa Dinapigue.
Mayroon din daw nakahanap ng kanyang “forever” nang dahil sa pagsama sa kanilang outreach. Noong una ay sa Facebook lang daw magkakilala ang dalawa, ngunit nang magkita nang personal ay nagkagustuhan, at di naglaon ay nagpakasal. Sina Pardinez at Fernandez ang kinuha nilang ninong sa kanilang pag-iisang dibdib.
Ngunit hindi laging kasiyahan ang dulot ng kanilang outreach. Minsan dahil sa pagdagsa ng mga taong nangangailangan ay kinakapos sila ng pagkaing pinapamahagi, kaya silang mga volunteer ay hindi na kumakain. Dahil dito ay naging gawi na raw nila na pasobrahan ang kanilang inihahandang pagkain.
Sa tuwing may outreach sila may mga miyembro daw na boluntaryong nagbibigay ng groceries, mga tsinelas at  t-shirt na siyang ipinamamahagi nila bilang regalo sa mga pamilyang karapat dapat makatanggap. Ang listahan ng mga taong nabibigyan ng tulong ay nanggagaling mismo sa kapitan ng barangay.
Para masiguro ang kooperasyon ng lokal na pamahalaan ay ipinagpapaalam daw nila sa mga ito ang kanilang layunin na makatulong. Kabilang sa tulong na ibinibigay sa grupo ang pagpapagamit ng mga pasilidad ng barangay gaya ng community center, at siniguro din ang kanilang seguridad sa panahon ng kanilang misyon.
Ayon kay Pardinez, taos-pusong pasasalamat ang gusto nilang ipaabot sa lahat ng sumusuporta sa mga mithiin ng Isabelino Ako. Kung wala daw ang mga miyembro sa iba-ibang chapters katulad ng sa Hong Kong ay hindi mararating ng organisasyon ang kinalalagyan nila ngayon.
Sa kanyang panghuling mensahe, sinabi ni Pardinez: “Ipagpatuloy ninyo ang inyong pagiging miyembro at ang paggawa ng kabutihan sa kapwa dahil mas maraming biyaya ang bubuhos sa iyo.”

Don't Miss