Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Isa pang biktima ng kanser, yumao

02 September 2016

Pumanaw ang dating kasambahay sa Hong Kong na si Judy Anne G. Bautista noong Agosto 22, makalipas ang isang taong pakikipaglaban sa sakit na cervical cancer sa kanilang bayan sa Santo Domingo, Nueva Ecija.
Ayon kay Gemma Adan Solomon, pangulo ng Filmcass, isang samahan ng mga biktima at sumusuporta sa mga may kanser, binawian ng buhay si Bautista sa piling ng kanyang mga mahal sa buhay.
Walong araw pa lang noon pagkatapos ipagdiwang ni Bautista ang kanyang ika-28 kaarawan. Ang yumao ay hiwalay sa asawa ng at may anak na babae na 9 na taong gulang. Pangalawa siya sa tatlong magkakapatid.
Isang taon pa lamang siyang naninilbihan sa kanyang amo noong 2015 nang mapag-alaman ang kanyang sakit. Binalak ng kanyang amo na sisantihin si Bautista dahil sa kanyang kalagayan, ngunit namagitan ang Helpers for Domestic Helpers.
Pinauwi siya ng kanyang amo noong Nobyembre 2015 para makapiling ang mga mahal niya sa buhay habang nagpapagamot.
Inilibing si Bautista sa Sto Rosario Cemetery sa kanilang bayan nong Agosto 30.
Makikipag-ugnayan pa ang kanyang pamilya sa OWWA tungkol sa mga benepisyong matatanggap ng kanyang anak para maipatuloy ang kanyang pag-aaral. Siya ay aktibo pang miyembro ng OWWA nang bawian ng buhay.
Ayon kay Solomon, na nakapanayam ng The SUN tungkol kay Bautista, kailangang mag-iingat lagi at huwag ipagwalang-bahala ng mga kakaiban ang kanilang mga nararamdaman.
“Kung may matinding karamdaman sila, ipaalam nila sa mga kinauukulan ang totoong sitwasyon upang matulungan ng mga organisasyong tumutulong sa mga maysakit na nananatili sa kanilang trabaho habang nagpapagamot,” sinabi ni Solomon. Kailangan ding magkaroon ng balanseng pagkain, sapat na oras ng pagtulog, at pag-eehersisyo para mapanatiling malusog at malakas ang katawan habang kumakayod sa ibayong dagat, ani Solomon.
Mula noong Enero ay 22 manggagawang Pilipino sa Hong Kong ang namatay, kabilang na si Bautista at si Rinalyn Dulluog, na nasawi sa pagkakahulog sa Tseung Kwan O noong Agosto 9, ayon sa talaan ng Overseas Workers Welfare Administration.
May 19 na iba pang OFW na nasa mga ospital sa Hong Kong noong Agosto 23 dahil sa iba’t ibang karamdaman ayon sa OWWA.
“Puwera po diyan yaong mga hindi pa inireport sa amin,” sabi ni Welfare Officer Judith Santos.
Mula noong Enero, 64 na Pilipino ang isinugod sa mga ospital, ayon kay Santos. Pinakamarami sa mga ito ang 26 na na-stroke, at sumunod ang 19 na may kanser, 11 na may depresyon at 8 na may sakit na hika, ubo at sipon, ani Santos. Ang mga bilang ay nalikom mula sa mga pagdalaw ng mga tauhan ng OWWA at Konsulado sa mga ospital sa loob ng panahong nabanggit. – Marites Palma at Vir B. Lumicao

Don't Miss