Maraming katanungan ang naglalaro sa isip namin ukol sa tila magkaibang pagturing ng mga tagausig sa mga kaso kung saan ang mga biktima ay mga dayuhang kasambahay, at yaong mga kasong sila naman ang diumano’y nambiktima.
Ang isang halimbawa ay ang magkaibang trato ng pulisya sa reklamong panloloko ng isang ahensiya ng trabaho sa ilang dosena o ilandaang aplikanteng katulong, at ang agarang pagdakip sa isang katulong na napagbintangang nagnakaw sa kanyang amo.
Isa pang halimbawa ay ang agarang pagdakip at pagkulong nang walang piyansa sa isang kasambahay na nahuling tumutulong sa tindahan ng kanyang amo, at ang agaran ding pagpapahintulot ng piyansa upang makalaya kaagad ang kanyang amo.
Gayundin, kapag naisampa na sa husgado ang isang kaso ay tila higit na pinakikinggan ng mga huwes ang nang-agrabyadong amo kaysa sa nabiktimang katulong. Kung hindi rin lang malakas ang ebidensiya ng katulong laban sa nambiktima sa kanya ay tiyak na ang kanyang pagkatalo.
Ngunit kung ang nasampahan ng kaso ay isang katulong, mas malamang na makulong ito kaysa sa mapawalang-sala.
Para sa amin, ayos lang kung sa kasong pagnanakaw ay nakakuha ang mga pulis ng matibay na ebidensiya tulad ng CCTV footage ng pagpasok ni Ate at paglabas sa kuwarto ng amo habang wala ang huli, o mga resibo sa mga isinanlang alahas na ninakaw sa amo.
Ngunit kung ang katibayang pinagbatayan ng demanda ay kaduda-duda at halatang gawa-gawa ng amo, doon kami nababahala, lalo pa kung ang katulong ay hindi matatas o hindi makapagpaliwanag nang mabuti. Mas malamang na ikukulong siya kahit walang sala.
Ang pag-usad ng isang kaso mula sa oras na natuklasan ang isang paglabag hanggang sa makarating ito sa paghahatol ay tila mabilis kapag ang nasasakdal ay isang katulong.
Ngunit kapag ang isang katulong ang nagsampa ng kaso, tila natatagalan ang pag-usad ng nito sa korte, at may mga pagkakataon pa ngang matagal nang nakauwi ang katulong bago ito dinggin.
Naalaala tuloy namin ang magkakahiwalay na kaso ng pagmamalabis umano ng mga amo noong nakaraang dalawang taon sa tatlong katulong – ang mga Indonesian na sina Erwiana Salustiyaningsih at Anis Andriyani, at ang Pilipinang si Rowena Uychiat.
Nakatawag-pansin ng media mula sa iba’t ibang sulok ng mundo ang kaso ni Erwiana dahil hindi inakala ng madla na sa isang napakayaman at napakasibilisadong lungsod ng Hong Kong ay naganap ang pagpapahirap ng isang amo sa kanyang kasambahay sa loob ng 11 buwan na kamuntik nang ikamatay ng katulong.
Kung hindi sa atensiyon ng media ay marahil hindi nalapatan ng hustisya ang pahirap na dinanas niya sa among taga-Hong Kong. Kabaliktaran ang nangyari kay Andriyani, na natalo naman sa sakdal na panunugat na inihain laban sa amo.
Ang hatol ng huwes: hindi nalutas ang maraming misteryo sa kaso kaya pinawalang-sala niya ang amo sa bintang na paggilit sa kaliwang talasinsingan ng katulong, na halos maputol ito. Binigyang-halaga niya ang palagay ng abogado na sinadyang hiniwain ng katulong ang kanyang daliri upang pauwiin siya ng amo, o dahil sa isang ritwal ng kanyang tribo.
Ukol sa kaso ni Uychiat, sumulat ang pulisya sa katulong noong 2015 at sinabing ibinabasura nila ang kanyang kaso laban sa among nagkulong, nagpahirap at di nagpasahod sa kanya nang walong buwan noong 2014 dahil hindi umano siya nagbigay ng sapat na ebidensiya sa loob ng takdang panahon.
Ngayon ay makatuon na naman ang paningin ng komunidad sa hukuman dito dahil sa mga kasong isinasampa ng daan-daang mga katulong laban kay Ester Ylagan, ang may-ari ng Emry’s Employment Agency at Mike’s Secretarial Service. Iyon ay dahil sa mga pekeng trabaho sa Britain at Canada na inalok ni Ylagan sa kanila at binayaran nila ng tig-$10,000 hanggang $15,000.
Kung bakit sa Small Claims Tribunal itinuro ng pulisya ang mga katulong sa halip na imbestigahan ang reklamo nila laban kay Ylagan ay isang nakakapagpasulak-dugong katanungan sa sistema ng hustisya sa Hong Kong. Parang nakukumbinsi tuloy kami na iba ang sukatan ng hustisya para sa mga dayuhang katulong, isang tanda ng pagwawalang-bahala sa kanilang kalagayan.