Napilitang magtrabaho sa Hong Kong si Jane dahil sa sampung taong pagsasama nilang mag-asawa ay ni minsan ay hindi siya nakahawak ng pera. Hindi iniintrega ng asawa ang perang kinikita nito sa pamamasada at sa pinagbebentahan ng palay mula sa ilang ektarya nilang lupain tuwing anihan.
Ganunpaman, hindi naman sila nawawalan ng perang panggastos sa mga pangunahing pangangailangan sa bahay, at pati ang mga kailangan ng kanilang mga anak sa pag-aaral ay kumpleto naman.
Kapag kailangan niya ng pera para sa sarili, katulad ng kung kailangan niyang bumili ng regalo sa dadaluhang kasal ay binibigyan naman siya ng asawa. Ang problema nga lang ay nakasukob pa rin sila sa bahay ng kanyang mga biyenan, at ang pakiramdam ni Jane ay para siyang tau-tauhan ng mga ito at ng kanyang kabiyak.
Kahit anong sabi niya sa asawa na mag-ipon ito para makapagpatayo sila ng sarili nilang bahay ay hindi ito sumusunod. Hirap na hirap naman siya sa pakikisama sa mga biyenan, kaya siya na ang nagdesisyon na maghanap ng trabaho para may maipambili sila ng bahay.
Ayaw siyang payagan ng kanyang asawa na umalis kaya hindi siya binigyan ng pera para sa placement. Ang ginawa niya ay nangutang siya sa kanyang mga magulang at sa isang pamangkin ng kanyang asawa na kasundo niya. Sa tulong nila ay nakapag-abroad siya at ngayon ay may sarili ng perang masasabi.
Hindi rin siya nagpapadala ng pera sa asawa kaya nagkasundo sila na paghatian na lang ang gastos ng mga anak. Sa mister niya ang gastos para sa dalawang nakakabata, at sa kanya yung anak na nasa kolehiyo. Nakailang taon na rin dito si Jane at ganun pa rin ang kanilang sitwasyon pagdating sa pera, kanya-kanya.
Sa kabila nito ay mas maganda ang pakiramdam ni Jane dahil may nasasabi siyang sarili niyang pera, hindi yung humihingi na lang lagi sa asawa kung may kailangan siyang bilhin. Si Jane ay tubong Central Luzon at kasalukuyang naninilbihan sa mga Intsik na amo sa Teun Mun. – Marites Palma