Ang yumao na si Rinalyn |
Nakatakdang iuwi ngayong alas-10 ng gabi, Agosto 24, ang mga
labi ni Rinalyn Idmilao Dulluog, ang kasambahay nga Pilipina na nasawi sa
pagkakahulog sa Lohas Park sa Tseung Kwan O noong Agosto 9.
Dadalhin ang bangkay ni Dulluog sa Hong Kong International
Airport pagkaraan ng
public viewing mga alas-3 ng hapon sa Fu Shan Public Mortuary sa Tai Wai.
Sinamahan ng The SUN noong Linggo, Agosto 21, si Annabelle
Pilien, ang tiyahin ng biktima, na humarap sa amo ng biktima para saksihan ang
pag-abot ng kanyang sahod na umabot sa mahigit na $3,000 sa tanggapan ng Philippine
Overseas Labor Office.
Si Pilien ang inatasan ng pamilya ni Dulluog sa Pilipinas
upang makipag-unayan sa mga kinauukulan tungkol sa pagsasaayos ng mga dokumento
ng biktima at ng pagpapadala ng kanyang mga labi sa kanilang bahay sa Santiago
City sa Isabela.
Ibinigay na rin ng mga amo ang mga gamit ni Dulluog kay
Pillien na nagpadala ng mga ito sa Santiago City sa pamamagitan ng door-to-door
freight service noong Linggo. Bagamant nangako ang amo na ibibigay ang pambayad
sa door-to-door, nagdalawang isip ito pagkatapos maipadala sa kanya ang larawan
ng resibo na umaabot sa $680, at nagpilit na makita ang kopya ng resibo.
Nainis nang husto si Pilen nang sabihin ng amo na “it cost
me a lot” para maipadala ang mga gamit ng namatay.
Sumagot naman ang kasama ni Pilien ng: “You only lose money,
but us we lost our friend’s life”.
Ayon pa sa kasama ni Pillien, narinig nila ang amo na
nagsabi ng “the devil is around” noong nakiusap sila na tulungan silang ibaba
ang mga gamit ni Dulluog sa taxi stand. Dalawang kahon at dalawang striped bag
ang iniabot na mga gamit kasama ang mobile phone ng biktima.
Nagkaroon ng pagkakataon na makausap ng The SUN ang kapatid
ng biktima na si Reginaldo Dulluog na nagpasabi na pinoproblema nila ang
malaking singil ng pagpapadala ng bangkay mula sa airport hanggang sa kanilang
bayan.
Nang ipaalam ito ng The SUN kay Labor Attache Jalilo de la
Torre ay pinatawagan agad nito si Reginaldo sa Overseas Workers Welfare
Administration officers para matulungan.
Sa bandang huli, naliwanagan ng pamilya na hindi na
kailangang gumastos pa para sa kabaong na nagkakahalaga ng Php69,000 dahil may
kasama nang kabaong ang kahon na naglalaman ng mga labi pauwi ng Pilipinas.
Ang singil naman
na Php30,000 para sa pagdadala ng mga labi ni Dulluog mula sa Ninoy Aquino
International Airport pauwi sa Santiago ay sasagutin pansamantala ng pamilya
ngunit nangako ang OWWA na sisingilin ito mula sa amo.
Samantala, sasagutin ng insurance ang $20,058 na gastos ng
pagpapauwi ng bangkay mula Hong Kong hanggang Maynila, at ang sobra sa singil
na humigit kumulang sa $8,000 ay sisingilin din ng punerarya sa amo.
Kasalukuyang nakikipagtalastasan pa ang pamilya ni Dulluog
sa POLO at sa isang solicitor tungkol sa mga dapat pang masingil sa amo dahil
ang pagkamatay ng Pilipina ay nangyari habang siya ay nagtatrabaho. Ang sabi
kasi ng solicitor ay maari silang magsampa para sa employment compensation, at
hiwalay na kaso para sa personal injuries.
Ayon kay Reginaldo, wala pang nakatakdang petsa ng
paglilibing kay Dulluog. Pag-uusapan pa raw nilang mag-anak kung kailan ililibing
kapag dumating na sa kanilang tahanan ang mga labi ng biktikma. – Marites Palma/Vir B. Lumicao