Laging usap-usapan sa Pilipinas ang dami ng bilang ng mga sumusukong “drug addict” dahil sa kampanya ng bagong upong pangulo na si Rodrigo Duterte na sugpuin ang problema sa droga sa bansa.
Kabilang si Linda sa mga nakakabasa sa social media ng tungkol sa ilang libong Pilipino na diumano’y gumagamit o nagbebenta ng pinagbabawal na gamot ang kusang sumusuko sa mga awtoridad. Natatakot daw ang mga ito na matulad sila sa mga napapatay sa iba-ibang parte ng bansa araw-araw dahil diumano sa panlalaban habang sila ay inaaresto.
Bagamat may agam-agam tungkol sa mga ganitong balita, napatotohanan mismo ni Linda na hindi lahat ng mga sumusuko ay adik o pusher, katulad ng sinasabi sa balita.
Mismong kapatid kasi niya na hindi umiinom ng alak o naninigarilyo ay napilitang “sumuko” dahil sa takot na mapag-initan ng mga pulis na gustong magpasikat sa kanilang mga pinuno. Isa lang daw ang kanyang kapatid sa daan-daang sumuko sa kanilang maliit na bayan matapos magpalabas ng babala ang mga pulis na huwag na nilang hintayin na damputin pa sila sa kanilang bahay dahil baka hindi na sila bibigyan pa ng pagkakataon na magpaliwanag.
Ang laki naman ng hinagpis ni Linda dahil naiisip niya na baka maniwala ang kanyang mga pamangkin na talagang gumagamit ng bawal na droga ang kanilang butihing ama. Si Linda na 18 taon na sa Hong Kong, ay taga-Leyte. ---Gina Nonog