Maliit lang na babae si Marichu ngunit maliksi siyang kumilos, at mukhang malakas. Hindi naman kataka-taka dahil ang pangunahing trabaho niya ay ang mag-alaga sa isang 85-taong gulang na lalaking Intsik na mahigit doble ang sukat at bigat sa kanya.
Naka wheelchair ang alaga ni Marichu, kaya’t balewala na sa kanya ang itulak ito at ilibot sa buong Hong Kong. Sumasakay sila madalas sa mga pampublikong sasakyan, at nagdaang dalawang taon na inaalagaan ito ni Marichu ay kabisado na niya ang lahat ng pamamaraan para makalibot sila nang walang masyadong abala.
Ayon kay Marichu, mabait ang matanda kaya kahit isama niya ito sa paglalakwatsa ay hindi ito nagrereklamo. Magkasundo din sila dahil likas na palatawa ang matanda, at hindi mareklamo. Ganun din si Marichu, na kahit halatang hirap minsan sa pagtutulak-tulak sa matanda ay nakukuha pa ring tumawa.
Aminado naman siya na medyo nakakailang din na sila lang dalawa ang magkasama sa bahay, at siya ang nagbibihis dito pagkatapos nitong maligo. Gayunpaman, mas gusto na rin daw niya ang ganito dahil magaan ang kanyang trabaho at mabait ang kanyang amo. Baka raw malipat pa siya sa iba na hindi maganda ang pagtrato sa kanya.
Si Marichu ay hiwalay sa asawa at tubong Cebu. Apat na taon na siyang naninilbihan sa Hong Kong -- DCLM