Gustong gumawa ng DIY na cabinet ang amo ni Linda at para makatipid, naghanap sila ng mga segunda manong muwebles sa Asia Expat. May nag-anunsiyo ng malaking aparador na taga-Mei Foo. Ibibigay daw ito ng libre kaya agad na nakipag-ugnayan si Linda sa may-ari.
Gabi lang daw puwedeng pumunta dahil nasa opisina ang may-ari buong maghapon. Dala ang sasakyan ng kanilang amo, pumunta sina Linda, ang kanyang kasama sa bahay na si Jelly, at ang drayber na si John.
Isang lalaki ang nagbukas ng pinto at wala itong kasama sa bahay. Sinalubong sila ng masangsang na amoy at hindi rin nakaligtas sa kanilang paningin ang naninilaw na mga dingding dahil sa dumi. Nasulyapan din ni Linda na kinakalawang na ang pintuan ng refrigerator sa bahay.
Pati ang pakay nilang aparador ay punong-puno ng alikabok. Bukod sa sobrang bigat ay medyo luma na ang materyales nito. Nais nang umatras ni Linda pero natatakot naman siyang pagalitan sila ng lalaki. Ayaw din niyang nakipagtalo kung sakali dahil nasa loob sila ng bahay nito. Dahil napasubo na, pinagtulungan na lang nilang kalasin ang aparador para agad makaalis at para rin magkasya sa sasakyan. Tagaktak ang kanilang pawis matapos maikarga sa loob ng sasakyan ang mga kahoy.
Pakiramdam din nila ay dumikit sa kanilang katawan ang amoy sa loob ng bahay. Si Linda ay tatlong taon na sa kanyang amo na nakatira sa Mid-levels.---Gina N. Ordona