Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Nagkasagutan ang mag-amo

01 August 2016

Pagkatapos ng mahigit na 20 taon niyang paninilbihan sa among propesor na Briton, hindi akalain ni Jay na masasagot niya nang ganoon ang amo. Napikon na kasi si Jay sa mga walang katwirang paninita ng kanyang amo sa kanya.
Palibhasa ay matanda na ang amo na 74 anyos kaya nagiging bugnutin na ito. Bukod dito ay pareho silang nanibago magmula nang lumipat sila sa isang maliit na flat noong nakaraang taon, pagkatapos mag-retiro ng propesor.
Dati ay dalawang palapag ang kanilang tirahan at may garden pa, kaya bihira silang magkita ng amo sa loob ng bahay sa maghapon, at pumapasok pa ng regular ang amo. Ngayon ay maghapon silang magkaharap at nagkikita dahil sa bahay na nagtatrabaho ito.
Katulad ng dati ay madaling matapos ni Jay ang trabaho sa loob ng bahay, na lalo pang napabilis ngayon dahil di hamak na mas maliit ang kanyang nililinisan. Sa loob lang ng mahigit dalawang oras ay tapos na ni Jay ang gawaing bahay, kaya kahit nababagot ay wala siyang magawa kundi maglagi sa kanyang maliit na kuwarto.
Ganito ang naging pang araw-araw nilang kalakaran, hanggang mag-umpisang sitahin ng amo si Jay dahil diumano sa hindi nito pag-uumpisa ng maaga sa kanyang trabaho. Sinabi ni Jay na sadyang hindi siya nagsisimulang magtrabaho hangga’t di nagigising ang amo dahil ayaw niyang maistorbo ito, bilang paggalang na rin.
Medyo nainis si Jay sa biglang paninita ng amo kaya tinanong niya ito kung ano ang problema. Sambit ng matanda ay naiinggit siya sa mga kapwa amo niya na ang mga katulong ay nagpapastol ng kanilang mga aso o nagpapasyal ng kanilang mga alagang bata alas siyete pa lang ng umaga samantalang ang kanyang katulong ay natutulog pa.
Di na napigilan ni Jay ang sarili at sinabi niya sa amo na alas 6 pa lang ng umaga ay gising na siya at ang dahilan ng di niya pag uumpisa ng maaga ay para huwag itong maistorbo. Sinabi din ni Jay na kung ang problema nito ay ang naiiinggit siya sa ibang mga Pinay na katulong ay kumuha din siya ng aso o mag-anak para masulit ang ibinabayad sa kanya.
Hinamon din ito ni Jay na i-terminate na lang ang kanilang kontrata kung hindi na ito masaya sa paninilbihan niya dahil handa na naman siyang umuwi sa Pilipinas.
Tila nahimasmasan naman ang amo ni Jay, at humingi agad ng dispensa. Sa isip naman ni Jay, malamang na napagtanto ng matanda na malaki ang babayaran nito sa long service  sakaling siya ang pumutol ng kontrata. Sa parte naman ni Jay, handa na siyang umuwi na nang tuluyan sa Pilipinas ngayong Disyembre kahit na wala siyang matatanggap na long service mula sa amo.
Hindi siya nanghihinayang dito dahil matagal na rin niyang nais na umuwi na sa kanyang pamilya, at ito rin ang matagal na niyang pangako sa kanila. Pagkatapos ng 31 taong pamamalagi sa Hong Kong, gusto na rin ni Jay na umuwi para makasama na ang kanyang mga mahal sa buhay.  –Jo Campos


Don't Miss