Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Mga bayani ng Kulay Pinoy

05 August 2016

Ilan sa mga bumubuo ng pagtatanghal ng Kulay Pinoy sa Chater Road.


Ni Marites Palma

Namangha ang maraming taong nakapanood sa pagtatanghal ng Kulay Pinoy sa Chater Road noong Hunyo 12, ang selebrasyon ng ika-118 taong anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.
Bagamat bumuhos ang malakas na ulan maghapon, nagsiksikan pa rin ang mga taong nanonood sa pinakatampok na bahagi ng maghapong pagdiriwang. Hindi naman sila binigo ng halos 500 kataong bumubuo sa Kulay Pinoy na mula sa 45 na asosasyon, dahil buong sigla nilang binuo ang kulay ng bandilang Pilipinas sa gitna ng matinding pag-ulan.
Agad na umani ng papuri ang grupo ng mananayaw mula sa mga nakapanood sa mismong pagtatanghal, at sa social media.
Paano nagawang pinagbuklod-buklod ang ganito karaming mananayaw? Paano nasiguro na sasalihan nila ang ilang linggong ensanyo para lang maisagawa nang maayos ang kanilang pagtatanghal.
Ayon kay Lee Ann E. Mas, na siyang bumuo ng konsepto at nagturo ng sayaw sa mga nagtanghal, hindi madali ang kanilang pinagdaanan, ngunit dahil sa dedikasyon at determinasyon ng bawat isang kasapi ay naisa-ayos nila ang kanilang palabas.
Ayon kay Mas, pagmamahal sa Inang Bayan ang nag-udyok sa mga kasapi na pawang mga kasambahay na may angking talino sa pagsayaw, ang sumali sa pagbuo ng watawat ng Pilipinas. Sa pagbigkas pa lamang daw kasi ng katagang “kulay pinoy” ay mararamdaman na ang pagmamalaki ng bawat kasapi sa kanilang dugong Pilipino.
Dagdag pa ni Mas, hindi siya nahirapan sa ginawang pagtuturo at pakikihalubilo sa daan-daang kalahok dahil ang unang hakbang na ginawa niya ay ang ipaliwanag at ipaintindi sa lahat ang adhikain ng Kulay Pinoy.
Dating guro sa Pilipinas si Mas kaya sanay siyang gumamit ng iba't ibang stratehiya sa pagtuturo para makuha ang loob at interes ng kanyang tinuturuan. Sa oras ng kanilang pahinga ay umiikot ikot daw siya at kinukumusta ang bawat grupo, at ang laging tampok ng kanilang usapan ay ang mga hakbang ng sayaw.
Sa ganitong paraan ay napatunayan ni Mas na ang bawat isa sa kanila ay may angking talino, at kailangan lang ng buong suporta para lalong mahubog ang kanilang husay sa pagsayaw.
Ginamitan din niya ng sikolohiya ang pagbuo ng pamantayan ng grupo, katulad ng “Sa KP (Kulay Pinoy), bawal ang malungkot, bawal ang nakasimangot, at bawal ang tamad. Naging epektibo naman ito dahil lahat ay laging masaya at nakangiti kahit naiinitan. Wala daw ni isa na nagreklamo sa panahon ng kanilang ensayo sa loob ng halos tatlong buwan.
"Tunay ngang kahanga hanga ang mga miyembro ng Kulay Pinoy, wala ngang imposible, lahat makakaya kung ang bawat mithiin natin ay pinagsusumikapan at sinasamahan natin ng pagmamahal", ani Mas.
Ang iba pang kasamahan ni Mas sa pagtuturo ay sina Eva Joy Agcaoili, Jhen L. Gacutan, Vanessa Medios, Marie Velarde, Mercy Villaflor at Pinky Salud.
Ayon kay Agcaoili na siyang tagapagturo ng sayaw sa Isabela Federation, kooperasyon, pagpupursigi at determinasyon ng bawat kasapi ang susi kung bakit hindi sila nahirapan sa pagtuturo. Saludong-saludo daw siya sa mga ipinamalas na katangian ng kanilang mga mananayaw.
"Tunay na pagkakaisa at pagtutulongan ang kailangan sa pagkamit ng tagumpay sa anumang larangan", ang sabi ni Agcaoili.
Nagpatotoo naman dito si Tek Barro, ang pangulo ng Radiant Organization and Amiable Drivers (Road) na kabilang sa 17 na miyembro ng grupo na sumali sa Kulay Pinoy. "Proud na proud ako dahil isa ako sa daan daang kasapi ng Kulay Pinoy. Napakalaking bagay para sa akin ang maging parte ako sa pagbuo ng ating watawat sa pamamagitan ng sayaw.” sabi ni Barro. “Nagkaroon din ako ng pagkakataon na nakilala ang iba't ibang organisasyon na noon lamang nagkasama sama. Nabuo ang aming bagong pagkakaibigan sa loob ng halos tatlong buwan na pag-ensayo. Ulanin at arawin man kami ay di namin naramdaman ang pagod, maipagpatuloy lamang ang ensayo at ang napakasayang samahan ng grupo. Doon ko naramdaman ang tunay na pagkakaisa ng mga Pinoy kahit hindi magkakakilala dati.” Puring puri din niya si Mas dahil magaling daw itong magturo at nirerespeto ng lahat. Isang salita lang daw nito ay napapatahimik na ang kahit na sinong nag-iingay sa grupo.”
Ayon naman kay Salva Flores ng Laguna Achievers, tuwang tuwa siya at nabigyan siya ng pagkakataon na maipakita ang kanyang pagka Pilipino, kahit namamasukan lamang siyang kasambahay sa ibayong bansa.
Isa pang taga Laguna ang nagsabi na lubha siyang nagalak dahil nagkaroon siya ng kaibigan na kaisa niya sa pagpapakita ng tunay na kulay ng mga Pinoy.
Naging napakalalim naman ng epekto kay Rociel Pombo ng Burgos Isabela Migrants Association ng pagkakasama niya sa KP. Kakaibang pagmamalaki daw ang kanyang naramdaman nang mapabilang siya sa mga tinatawag ngayong KP Heroes, at dadalhin daw niya ito hanggang sa kanyang pagtanda.
"Sa Kulay Pinoy ko nakita ang tunay na ispirito ng pagka Pilipino, sa puso, sa isip at sa gawa. Saan mang lupalop ng mundo, aking itatayo ang ipinagmamalaki nating bandila",  sabi pa ni Pombo.
Nagkaisa ang mga KP Heroes na lumahok muli sa susunod na taon para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Samantala, hindi sa kanilang matagumpay na pagtatanghal natapos ang samahan ng mga KP Heroes dahil sa hapon ng Agosto 7 ay magdaraos sila ng kanilang unang pagtitipon. Naghanda ang grupo ng mga palaro, paligsahan sa pag-awit ng mga makabayang awitin at sayaw, at iba pang kasiyahan upang lalo pang mapaigting ang kanilang pagkakabuklod.
Ang pagtitipon na gaganapin sa Pier 9 sa Central ay bukas sa lahat ng gustong sumali at makiisa.

Don't Miss