Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Kwentong droga

27 August 2016

Ni Vir B. Lumicao

Noong umpisa ng Agosto ay isang kapwa-OFW natin dumulog sa Konsulado upang magtanong doon kung maaari siyang sumaglit sa Pilipinas bago magtungo sa Canada para magtrabaho roon. Ang dahilan: nais niyang masilayan sa huling pagkakataon ang kanyang kapatid na lalaki bago siya lumayo.
Noon ay ikalawang araw pa lang ng pagkakapatay sa kapatid ng OFW. Binaril diumano  ng mga lalaking nakamotorsiklo ang biktima nang lumabas ito sa lansangan.
Nagkataon din na noong Agosto 1 ay iniharap sa hukuman ng Tsuen Wan ang isang turistang Pilipina na nasabat ng mga tauhan ng Customs habang may dalang mahigit 700 gramo ng cocaine sa Hong Kong. Ang droga ay nagkakahalaga umano ng $750,000.
Ang cocaine ay isang uri ng bawal na gamot na gawa sa Latin America mula sa puno ng coca. Idinaraan ito ng sindikatong Colombian sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa bago  dalhin sa huling destinasyon tulad ng Hong Kong.
Nakababahala ang pagkamatay ng kapatid ng OFW dahil kusang sumuko diumano ito sa mga awtoridad, at nabigyan ng katibayang dati siyang gumagamit ng droga at gusto nang magbagong-buhay.
Gayundin, nakaliligalig ang balitang muling nakalusot sa Ninoy Aquino International Airport ang ganoon karaming cocaine sa kabila ng ibayong kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga. Iyon ay nangangahulugang mayroon pa ring mga galamay ng sindikato na nagpapalusot sa NAIA ng mga tagadala ng droga.
Kung susuriing mabuti ang mga balita ukol sa mga napapatay at pinapatay sa kampanya ng gobyerno laban sa droga ay nakakatakang ang karamihan sa mga napapatay ay tila maliliit na tagatulak lamang ng bawal na gamot, at iilan lang sa mga ito ang supplier ng droga.
Pati na ang mga durugista, yaong mga sugapa sa bawal na gamot na kung tutuusi’y mga biktima, ay napapasama sa mga itinutumba at sinasabitan ng kartong may nakasulat na babalang sila ay mga tulak o kaya ay adik sa droga.
Natatandaan pa namin na noong kumakandidato pa lamang si Pangulong Duterte ay nangako siyang uubusin niya ang mga nagsu-supply at nagtutulak ng mga bawal na gamot dahil sila ang sumisira sa mga kabataang Pilipino.
At noong nanalo na siya sa eleksiyon nang malaki ang kalamangan sa mga nakalaban ay agad-agad nang sinimulan ng pulisya ang “paglilinis” sa mga itinuturing na nasa likuran ng industriya ng bawal na gamot sa bansa – iyon nga lang at puro maliliit ang mga bumubulagta sa kalsada.
Naisip tuloy naming baka ginagamit ng mga bulok na elemento sa kapulisan, yaong mga mayhawak diumano sa maliliit na pusher, ang pinag-ibayong kampanya upang itumba ang mga taong posibleng magturo sa kanila bilang mga supplier ng droga.
Ito ay isang malaking posibilidad dahil hindi lingid sa sambayanan na sa bawat barangay, bayan at lungsod sa Pilipinas ay may masasamang elemento ng kapulisan na siyang kumukuntrol sa lahat ng bisyo sa mga pook na iyon, at kadalasan ay sila rin ang nakakasagupa ng mga kapwa alagad ng batas na pumupuksa sa mga bisyo.
Isang sapantaha lang namin na ang kasalukuyang pamamaslang sa mga diumano’y tagatulak at sugapa sa bawal na gamot ay isang malawakang pagliligpit sa mga “asset” ng pulisya na posibleng kakanta.
Ngunit kung totoo ang aming suspetsa, higit na nakababahala ang nangyayari dahil lalabas na ginagamit lamang ng mga maykapangyarihan ang kasalukuyang pagpapadanak ng dugo upang pagtakpan ang kanilang masamang aktibidad.
At sa pagpapatuloy ng pamamaslang sa maliliit na tagatulak, mga adik na mga biktima ng bisyo, at mga inosenteng tao, kasabay ng pagpapatuloy ng pagpapalusot ng mga sindikato ng kilu-kilong droga sa NAIA, malinaw na hindi natutumbok ng kampanya ni Pangulong Duterte ang ugat ng suliranin sa droga.
Lalo lamang lalaganap ang inhustisya at mawawalan ng saysay ang kanyang kampanya.

Don't Miss