Hindi makapaniwala si Glenda habang ikinukuwento ni Lenny ang kapalaran ng kaibigan nito. Nagkaroon daw ng kasintahan ang kaibigan nito habang nagtatrabaho dito sa Hong Kong pero napilitang umuwi sa kanilang bayan sa Pangasinan nang hindi inaasahang mabuntis.
Nangako naman daw ang kasintahan nito na hindi ito magkukulang sa pag-alalay at tiniyak din nitong regular na magpapadala ng sustento. Maayos naman daw na naisilang ng kaibigan niya ang anak nito at tumupad din sa pangako ang kasintahan.
Bagamat hindi lingid sa kaibigan niya na hiwalay sa asawa ang kasintahan nito, hindi sinasadyang natuklasan ni Lenny na may iba pa palang babae sa buhay ng lalaki. Hindi lang isa kundi tatlo, bukod pa sa asawa at kaibigan niya. Ang masaklap, pare-parehong inanakan ng lalaki ang mga babae at hindi nagkakalayo ang edad ng mga bata. Walang mahagilap na salita si Glenda habang nakikinig.
Nang makabawi ay tinanong niya kung ano ang pangalan ng lalaki. “Ismael,” sabi ni Lenny. “That explains everything,” ang tanging nasambit ni Glenda dahil talaga namang pinangatawanan ng lalaki ang pangalan. ---Gina N. Ordona